Lunes, Disyembre 20, 2021

MAGKAKAPAMILYA

26 Disyembre 2021 
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus Maria at Jose (K) 
1 Samuel 1, 20-22. 24-28/Salmo 83/1 Juan 3, 1-2. 21-24/Lucas 2, 41-52 


"Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat nasa bahay ng Aking Ama?" (Lucas 2, 49). Ito ang sagot ng Batang Hesus sa Mahal na Inang si Maria matapos nila Siyang hanapin. Hinanap ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ang Batang Hesus sa loob ng tatlong araw. Natagpuan nila ang Batang Hesus sa ikatlong araw na nakikipag-usap sa mga guro sa templo sa ikatlong araw ng kanilang paghahanap. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ipinakita na ni Hesus na nababatid Niyang Diyos Siya. Kahit na bata pa lamang Siya sa mga sandaling iyon, alam na Niyang Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos. 

Tiyak na mayroong mga magtataka kung bakit ang salaysay ng paghahanap ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa Batang Hesus ay piniling bigyan ng pansin ng Simbahan sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa Linggong ito. Bakit nga ba ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagkawala ni Hesus? Kung ang ginawa ng Batang Hesus sa Ebanghelyo ay ginawa ng ibang bata, ang mga batang iyon ay tatawaging mapilyo. Ano nga ba talaga ang nais ituro ng Ebanghelyo? 

Itinampok sa Ebanghelyo ang paghahanap sa Batang Hesus sa templo upang ituro sa atin na ang Panginoong Hesukristo ay naging bahagi ng isang pamilya. Kahit na Siya ang Diyos na nagkakaloob ng pamilya sa lahat, pinili pa rin Niyang maging bahagi ng isang pamilya nang dumating Siya sa mundo bilang ipinangakong Manunubos. Kahit na hinandog ni Ana ang kanyang anak na si Samuel sa Kanya sa Unang Pagbasa, naging bahagi pa rin Siya ng isang pamilya. Si Hesus ay nagkaroon ng isang pamilya sa kabila ng pagiging Diyos. 

Sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng isang pamilya noong una Siyang dumating dito sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, ang kagandahang-loob ng Diyos ay ipinakita ni Hesus sa lahat. Ang kagandahang-loob ng Diyos, ayon sa Ikalawang Pagbasa, ay ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang ituring tayong Kanyang mga anak (1 Juan 3, 1). Sa pamamagitan ng pagiging Anak nina Maria at Jose, ipinakita ni Hesus ang hangarin ng Diyos na gawing bahagi ng Kanyang pamilya ang bawat isa sa atin. 

Ang pamilya ay isang biyaya ng Diyos sa atin. Binigyan tayo ng Diyos ng pamilya. Bukod pa rito, ibinibilang ng Diyos ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Sa paningin ng Diyos, tayong lahat ay magkakapamilya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento