Biyernes, Disyembre 3, 2021

HINDI MAGTATAPOS ANG LAHAT SA KABIGUAN

18 Disyembre 2021 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikatlong Araw 
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 


Kabiguan ang naranasan ni San Jose sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Nabalitaan niyang nagdadalantao ang Mahal na Birheng Maria nang hindi pa nag-aasawa. Labis na nasaktan si San Jose sa balitang ito sapagkat tunay niyang minahal ang Mahal na Birheng Maria. Balak pa nga niyang pakasalan ang Mahal na Inang si Maria. Nais niyang makasama habambuhay ang Mahal na Birheng Maria bilang magkabiyak ng puso. Subalit, tila gumuho ang lahat ng hangarin at pangarap ni San Jose dahil sa pagdadalantao ni Maria nang hindi pa sila kasal. 

Tiyak na may mga pagkakataon kung saan iniisip nating hindi nakaranas ng kabiguan ang lahat ng mga banal noong namumuhay pa sila dito sa daigdig. Ang totoo niyan, ang lahat ng mga banal ay hindi nakatakas o nakaligtas mula sa kabiguan noong namumuhay pa sila dito sa mundo. Isang halimbawa nito ay walang iba kundi si San Jose. Batid nila kung gaano kasakit ang kabiguan sa buhay dito sa mundo. 

Ang lahat ng mga banal ay nakaranas ng kabiguan noong namumuhay pa sila sa mundong ito, katulad natin. Subalit, hindi sila nawalan ng pag-asa sa Diyos. Ito ang aral na nais ituro sa atin sa mga Pagbasa, lalo na sa ikawalang bahagi ng Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang bawat isa sa atin ay hindi dapat mawalan ng pag-asa sa Diyos. Hindi magtatapos ang lahat ng bagay sa kabiguan. Mayroong pag-asa dahil sa Diyos. Ang Diyos ay laging nagbibigay ng pag-asa sa atin. Sa kabila ng lahat ng mga hirap, pagsubok, at kabiguan sa buhay dito sa mundo, mayroon pa ring pag-asa dahil ipinagkakaloob ito sa atin ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbigay ng pag-asa sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng pagbibitiw ng isang pangako. Ipinangako ng Diyos na Kaniyang pasisibulin "mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari" (Jeremias 23, 5). Sa Ebanghelyo, ang Diyos ay nagbigay ng pag-asa kay San Jose sa pamamagitan ng balita ng anghel na nagpakita sa kanyang panaginip. Mayroong papel na ibinigay ang Diyos kay San Jose. Si San Jose ay binigyan Niya ng pag-asang maging bahagi ng Kanyang plano. Hinilom ng Diyos ang sakit sa puso ni San Jose dulot ng kabiguan sa pamamagitan nito.

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na hindi magtatapos ang lahat sa kabiguan. Habang patuloy tayong namumuhay dito sa mundo, mayroong pag-asa. Ang dahilan kung bakit mayroon pa ring pag-asa sa kabila ng mga kabiguan, pagsubok, sakit, at hirap dito sa mundo ay walang iba kundi ang Panginoon. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa Kanya sapagkat sa Kanya nagmumula ang ating pag-asa. Siya ang ating pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento