Huwebes, Disyembre 16, 2021

NANDITO SIYA PARA SA ATIN

25 Disyembre 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 96/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 


Andito muli ang himala ng Pasko. 
Kabutihan ng tao ang ilaw ng mundo. 
Andito ang Diyos, dala Niya'y pag-asa. 
Andito tayo para sa isa't isa. 

Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng awiting kinatha para sa Station ID ng ABS-CBN para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa taong 2021. Bagamat marami sa mga titik ng nasabing awitin ay tumutukoy sa mga sekular na bagay, mayroon pa ring isang espirituwal na aspeto ang awiting ito. Katunayan, kung sasaliksikin natin ang mga titik ng awiting ito, mapapansin natin na nakatuon ang mga ito sa halaga ng pagdamay sa kapwa. Kung tutuusin, iyan ay laging itinuturo ng Simbahan. Laging damayan ang kapwa. Laging magpakita ng malasakit sa kapwa. Laging maging kaisa ng kapwa. 

Sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang, nakatuon ang pansin sa pagdamay ng Panginoon sa atin. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, ang Diyos ay naging kaisa natin. Ang Diyos ay dumating sa mundo noong gabi ng unang Pasko bilang isang munting Sanggol na iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria upang damayan tayo. Nais ng Diyos na imulat tayo sa katotohanang hindi Niya tayo pababayaan. Nais ng Diyos na maramdaman natin na hindi tayo nag-iisa. Kasama natin Siya. Lagi Siyang nakikiisa sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Propeta Isaias na isang sanggol ang isisilang alang-alang sa atin. Isang sanggol na lalaki ang ibibigay ng Diyos sa atin. Isang munting sanggol ang regalo ng Diyos para sa atin. Ang aguinaldong ito ng Diyos ay dumating sa mundo noong gabi ng unang Pasko sa isang sabsaban sa Lungsod ng Betlehem, ang Lungsod ni Haring David. Sa Ebanghelyo, nagpakita sa mga pastol na nag-aalaga ng kanilang mga tupa sa parang ang isang anghel ng Panginoon upang ibalita sa kanila ang pagdating ng regalong ito ng Diyos. Dumating ang ipinangakong Manunubos na walang iba kundi si Kristo. Dumating Siya sa mundo bilang isang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 

Sa Ikalawang Pagbasa, binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo ang kagandahang-loob ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang maging kaisa natin. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang ipagkaloob si Hesus upang maging ating ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Diyos ay nagpasiyang maging kaisa natin, damayan tayo, samahan tayo, upang iligtas tayo mula sa mga tanikala ng kasamaan at kamatayan dahil sa Kanyang kagandahang-loob. 

Ang Diyos ay nagpasiyang maging kaisa natin. Ipinasiya Niyang samahan tayo. Hindi Niya tayo iiwanan o pababayaan. Iyan ang nais ipaalala sa atin ng Banal na Sanggol na si Kristo Hesus na nakahiga sa sabsaban. Isinilang ang Panginoong Hesukristo upang ipakita sa atin na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Lagi Niya tayong sasamahan at dadamayan sa hirap at ginhawa. Mananatili Siyang kaisa natin magpakailanman. 

Nandito si Hesus upang bigyan tayo ng pag-asa. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdamay at pakikiisa sa atin, binigyan tayo ng pag-asa ni Hesus. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento