Huwebes, Disyembre 9, 2021

AWIT NG PUSO

22 Disyembre 2021 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Ang The Anthem of the Heart ay isang anime na pelikula tungkol sa isang batang babaeng nangangalang Jun Naruse. Hindi nagsasalita si Jun dahil mayroong isang hindi magandang pangyayaring naganap noong bata pa lamang siya na isinisisi niya sa kanyang sarili. Noong bata pa siya, siya'y masiglahin at madaldal. Iyon nga lamang, nagbago ang lahat para kay Jun matapos maghiwalay ang kanyang mga magulang. Dahil dito, natatakot siyang magsalita sa iba. Isinusulat na lamang niya kung ano ang nais niyang sabihin at dinadaan na lamang din sa pagkanta ang pagpapahayag ng sarili.  

Isa sa mga awitin sa nasabing pelikulang anime, na ginamit din sa eksena kung saan siya'y dumating para sa dulang-musikal na inihanda ng kanyang klase, ay pinamagatang わたしのこえ (Romanji: Watashi No Koe/Tagalog: Ang Aking Tinig). Sa awiting ito, inihayag ni Jun ang kanyang saloobin. Inihayag ni Jun kung ano ang nais niyang sabihin. Maliwanag sa mga titik ng awitin na iniisip niyang may mga masaya dahil hindi siya nagsasalita. Ang mga titik na ito ay isang "pamamaalam" ni Jun sa kanyang tinig. Sabi pa nga niya sa awitin, ni hindi siya maka-iyak dahil dito. 

Mayroong mga awit ang ating mga puso. Kahit na hindi tayo magaling umawit sa totoong buhay, ang ating mga puso ay umaawit. Ang mga awit ng ating mga puso ay naghahayag ng ating mga tunay na saloobin. Marahil, hindi natin kayang ihayag ang mga ito dahil sa takot sa ibang tao. Subalit, kahit na anong pagtatakip o paglilihim na gawin natin, hindi natin iyan maililihim o matatakpan mula sa Diyos. Naririnig Niya ang mga inaawit ng ating mga puso. Ang inaaawit ng ating mga puso ay ang tunay nating mga saloobin.

Tampok sa Ebanghelyo para sa Ikapitong Araw ng tradisyunal na Simbang Gabi ang awit ng papuri na inihandog ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos. Buong puso niyang ginamit ang kanyang tinig upang handugan ng papuri at pasasalamat ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang kantikulo o awit-papuri. Inihahayag ng ating Mahal na Inang si Mariang Birhen sa bawat titik ng awit-panalanging ito, ang Magnificat, ang nilalaman ng kanyang puso. Ang puso ni Maria ay puno ng tuwa dahil sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inihandog ni Ana sa Diyos ang kanyang anak na si Samuel nang buong puso. Sa pamamagitan ng kanyang paghandog kay Samuel na kanyang anak, nahayag ang laman ng puso ni Ana. Ang puso ni Ana ay puno ng papuri at pasasalamat sa Diyos dahil biniyayaan siya ng isang anak. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kabutihang ipinakita ng Diyos sa kanya, inihandog ni Ana ang kanyang anak na si Samuel. Maituturing na isang awit ng papuri at pasasalamat sa Diyos ang ginawang paghahandog ni Ana sa Diyos. 

Umaawit nang buong tuwa ang mga puso nina Ana at Maria. Mga awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos ang laman ng puso nina Ana at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang bawat isa sa atin ay tinatanong - ano ang inaawit ng ating mga puso? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento