Miyerkules, Disyembre 29, 2021

ANG MISTERYO NG PAGKAKATAWANG-TAO NG DIYOS

1 Enero 2022
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Ang unang araw ng isang bagong taon sa sekular na kalendaryo ay ang ikawalo at huling araw ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa ikawalo at huling araw ng Oktabang ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Sa espesyal na araw na ito, patuloy na pinagninilayan ng Simbahan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Kanyang Anak na walang iba kundi si Kristo Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tubusin ang sangkatauhan. Ang naging ina ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. 

Bagamat ang titulong "Ina ng Diyos" (Theotokos) ay patungkol sa Mahal na Ina, ang titulong ito ay nakasentro sa misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos Anak. Hindi maipagkakaila na nakatuon ang pansin ng titulong ito ng Mahal na Birheng Maria sa pagkakatawang-tao ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Ang Sanggol na isinilang ng Mahal na Birhen ay hindi karaniwan. Ang Sanggol na ito ay ang Bugtong na Anak ng Diyos.

Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Panginoon ang Kanyang sarili bilang mapagpala. Sa rito ng pagbebendisyon sa mga Israelita na Siya mismo ang bumuo, ang Panginoong Diyos ay nagpakilala bilang bukal ng pagpapala. Sa Matandang Tipan pa lamang, ang pagiging mapagpala ng Diyos ay isinasalungguhit. Sa pamamagitan ng Kanyang mga tapat na lingkod, pinagpapala ng Diyos ang Kanyang bayan. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao - ang Panginoong Hesus. Sa Ebanghelyo, ang mga pastol na dumalaw sa Sanggol na Hesus noong gabi ng unang Pasko ay nagpatotoo tungkol sa kadakilaan ng Panginoong Diyos na nakita nila sa pamamagitan ng Banal na Sanggol gaya ng ibinalita sa kanila ng anghel. 

Hindi karaniwan ang Sanggol na isinilang ni Maria noong gabi ng unang Pasko. Ang isinilang ni Maria ay ang bukal ng lahat ng pagpapala. Ang isinilang ni Maria ay ang maawain at mapagpalang Diyos. Dahil sa Kanyang awa, ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Ito'y ginawa Niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ni Hesus, ipinagkaloob ng Diyos ang pinakadakilang biyaya sa sangkatauhan. Siya ang dahilan kung bakit buong tuwang umawit ang mga anghel sa langit. Siya ang dahilan kung bakit ang mga pastol ay buong tuwang nagpuri sa Kanya. Ang Banal na Sanggol na si Hesus ay ang bukod tanging dahilan ng lahat ng iyon. 

Inaanyayahan tayo sa unang araw ng Bagong Taon na siya ring ikawalo at huling araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo na pagnilayan ang misteryong ito. Ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na walang iba kundi si Hesus. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus upang maging pinakadakilang pagpapala para sa lahat sa buong mundo. Iyan ang dahilan kung bakit kinikilala ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos. Niloob ng Diyos na mangyari ang misteryong ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento