27 Disyembre 2021
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8
Tiyak na mayroong mga magtataka kung bakit itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng libingang walang laman gayong ang Simbahan ay napapaloob sa kapanahunan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Ang salaysay ng pagtuklas sa libingang walang laman ay 'di hamak na mas naaangkop sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang mga kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo ay naganap noong muling nabuhay si Hesus. 'Di hamak na parang hindi napapanahon ang salaysay itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang. Bakit nga ba ang itinatampok sa Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa Muling Pagabuhay ni Hesus?
Inilaan ang Simbahan ang araw na ito para sa Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita. Isinulat ni Apostol San Juan ang mga salita sa Unang Pagbasa at ang salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Subalit, hindi lamang iyan ang dahilan kung bakit itinampok sa Ebanghelyo ang mga nangyari noong araw na si Hesus ay nabuhay na mag-uli. Bagkus, ang dahilan ay isinulat mismo ni Apostol San Juan sa simula ng kanyang unang sulat na itinampok sa Unang Pagbasa. Ang mga ito ay naisulat upang malaman ng lahat ang katotohanan tungkol kay Kristo. Si Apostol San Juan, ang iba pang mga apostol, at maging ang mga humalili sa kanila ay nagpatotoo tungkol kay Kristo sa lahat.
Si Hesus ay isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Subalit, ang Sanggol na ito na isinilang sa sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko ay hindi pangkaraniwan. Ang Banal na Sanggol na nagngangalang Hesus na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ay ang Panginoon at Tagapagligtas na muling mabubuhay pagdating ng takdang panahon. Ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban noong unang Pasko, si Hesus, ay ang Panginoon na mabubuhay na mag-uli pagdating ng takdang panahon. Siya ang lilipol at magtatagumpay laban sa kasamaan at kamatayan. Si Hesus ang ipinangakong magpapalaya at magliligtas sa atin mula sa mga tanikala ni Satanas. Ang katotohanang ito tungkol sa Kanya ay laging pinatotohanan ni Apostol San Juan.
Wala talagang katulad ang Sanggol na isinilang sa sabsaban. Ang Banal na Sanggol na ito, na walang iba kundi si Hesus, ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento