25 Disyembre 2021
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
Tiyak na napapansin ng karamihan sa atin sa paglipas ng mga taon ang pagiging sekular ng pagdiriwang ng Pasko. Sa halip na isentro sa Banal na Sanggol na si Hesus na nakahiga sa sabsaban ang pagdiriwang ng Pasko tuwing ika-25 ng Disyembre, nakasentro na kay Santa Claus ang nasabing pagdiriwang. Si Santa Claus na sumasaigsag sa komersyo ay ipinalit ng lipunang sekular bilang mukha ng Pasko. Hindi na tungkol kay Kristo ang Pasko kundi ang komersyo. Nakalimutan na ng marami ang tunay na dahilan ng Pasko.
Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Araw ng Pasko ng Pagsilang ang dahilan kung bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahang ito bilang isang Simbahan. Isa lamang ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pasko. Si Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin, ay ang tunay at pangunahing dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Pasko. Si Hesus na ipinakilala sa Ebanghelyo bilang Verbo, ang Salita ng Diyos na kasama na ng Diyos at Diyos rin, ay ang dahilan ng Pasko. Kung hindi dahil sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, walang Pasko.
Ang Pasko ay hindi tungkol kay Santa Claus, isang piksyonal na karakter na nilikha upang maging sagisag ng komersyalismo tuwing Pasko. Katunayan, ang piksyonal na karakter na si Santa Claus ay binase mula sa isang Santo na si San Nicolas ng Mira na kilala sa kanyang pagiging matulungin sa kapwa. Ibinabahagi ni San Nicolas ang mga kayamanang minana niya mula sa kanyang mga magulang upang tulungan ang kapwa, lalo na ang mga maralita. Iyon nga lamang, ginamit siya bilang basehan ng isang sekular na karakter na tila naging kapalit ni Kristo bilang mukha ng Pasko.
Oo, matulungin si San Nicolas. Ibinabahagi niya ang kayamanang kanyang minana mula sa kanyang mga magulang upang tulungan ang mga mahihirap. Subalit, natitiyak natin bilang mga Kristiyano na hindi niya binalak agawin mula sa Panginoong Hesukristo ang pagiging sentro ng pagdiriwang ng Pasko kahit kailan. Batid din ni San Nicolas na kahit ano pa'ng gawin niya, hinding-hindi niya mapapalitan si Hesus. Batid ni San Nicolas na si Hesus ay walang katulad at walang kapalit.
Sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong hindi mapapalitan kahit kailan ang Panginoong Hesus. Sa Unang Pagbasa, inihayag na masasaksihan ng lahat kung paanong maghahatid ng kaligtasan ang Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung ano ang ginawa ng Diyos upang ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ang Diyos ay dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, dumating ang Diyos sa mundo upang ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kanyang pagliligtas.
Hindi komersyo ang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang. Bagkus, ito ay tungkol sa Banal na Sanggol na si Hesus na nakahiga sa sabsaban. Siya ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Dumating Siya sa mundo upang ihatid ang biyaya ng kaligtasan.
Kaya naman, ibalik natin ang Banal na Sanggol na isinilang noong gabi ng unang Pasko sa sentro ng maringal na pistang ito. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ay ang dahilan at sentro ng maringal na pagdiriwang na ito. Walang makakapalit sa Kanya kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento