2 Enero 2022
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12
Ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o Epipanya ay isa sa mga mahahalagang pagdiriwang sa Kalendaryo ng Simbahan. Ginugunita ng Simbahan sa selebrasyong ito ang pagdalaw ng tatlong pantas o mago mula sa silangan sa Banal na Sanggol na si Hesus. Bagamat ang mga pantas na ito ay hindi kabilang sa bayang hinirang, ang bayan ng Israel, sila'y pinalad na makasamba sa Kanya. Napakalayo ang kanilang nilakbay upang makasamba lamang sa Banal na Sanggol na si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, katulad ng nasasaad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito.
Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, magandang pagnilayan ang dahilan kung bakit nga ba nangyari ang kaganapang ito. Niloob nga ng Panginoon na mangyari ito. Bahagi ito ng Kanyang plano. Subalit, ano nga ba ang dahilan kung bakit pinahintulutan ito ng Diyos? Bakit nga ba Niyang pinahintulutang maglakbay nang napakalayo ang mga pantas na ito? Hindi naman kabilang sa bayang hinirang ang mga pantas na ito. Mga dayuhan lamang ang mga pantas. Bakit nga ba binigyan ng pagkakataon ang mga pantas na ito na makadalaw at makasamba sa ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus, gayong hindi sila kabilang sa bayang Israel, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo?
Ipinahiwatig sa Unang Pagbasa pa lamang na niloob ng Panginoon na mangyari ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa: "Ihahayag ng mga tao ang magandang balita tungkol sa ginawa ng Diyos" (Isaias 60, 6). Sabi roon na magniningning ang liwanag ng Panginoong Diyos sa bayang Israel (Isaias 60, 1-2). Sa takdang panahon, tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ng maningning Niyang liwanag, aakitin ng Diyos ang lahat ng tao. Ang Sanggol na Hesus ay ang patunay na tinupad ng Diyos ang pahayag na ito.
Bakit ito ginawa ng Diyos? Dahil sa Kanyang kagandahang-loob. Ang kagandahang-loob na pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Iyan ang dahilan kung bakit ang lahat ay maaaring makinabang sa mga pagpapala ng Diyos. Kung hindi niloob ng Diyos na dalawin ng mga pantas mula sa silangan ang nagkatawang-taong Mesiyas na si Kristo Hesus, hindi tayo aanyayahang makibahagi sa Kanyang mga biyaya. Ang pagdalaw ng mga pantas sa Sanggol na Hesus ay isang patunay na para sa lahat ang mga biyayang ibinubuhos ng Diyos.
Hinihimok ng Simbahan ang bawat isa sa atin sa Kapistahang ito na mamangha sa misteryo ng kagandahang-loob ng Diyos. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na walang iba kundi si Hesus, ang kagandahang-loob na ito ay nahayag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento