9 Enero 2022
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesus Nazareno (K)
Isaias 40, 1-5. 9-11 (o kaya: 42, 1-4. 6-7)/Salmo 103 (o kaya: 28)/Tito 2, 11-14; 3, 4-7 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Lucas 3, 15-16. 21-22
Isa sa mga mahahalagang sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo dito sa lupa ay ang Pagbibinyag sa Kanya ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista sa Ilog Jordan. Ang Pagbibinyag kay Hesus ay ang hudyat ng simula ng Kanyang misyon. Sa sandaling ito, bumaba mula sa langit ang Espiritu Santo sa anyo ng isang kalapati at nagsalita ang Amang nasa langit upang ipakilala Siya bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus, ang Diyos ay maghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan.
Ang Una at Ikalawang Pagbasa ay tungkol sa pagligtas ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, si Propeta Isaias ay nagsalita tungkol sa pagliligtas ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung ano ang ginawa ng Diyos pagdating ng takdang panahon upang isakatuparan ang Kanyang planong iligtas ang sangkatauhan. Nang dumating ang panahong Kanyang itinakda, dumating Siya sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay dumating sa mundong ito.
Bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan? Si Apostol San Pablo na rin ang nagbigay ng paliwanag sa Ikalawang Pagbasa. Sabi niya roon na ipinasiya ng Diyos na dumating sa mundo sa pamamagitan ni Kristo upang iligtas ang sangkatauhan dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Kristo, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Binuo ng Diyos ang planong ito dahil sa Kanyang kagandahang-loob at habag para sa atin.
Iyon ang dahilan kung bakit nagsalita si San Juan Bautista sa mga taong nagsitungo sa Ilog Jordan tungkol sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Sa halip na linlangin ang mga tao, inamin niyang hindi siya ang Mesiyas kundi ang darating na kasunod niya. Iyon rin ang dahilan kung bakit ang Espiritu Santo ay bumaba mula sa langit sa anyo ng isang kalapati. Iyon rin ang dahilan kung bakit ang tinig ng Amang nasa langit ay narinig ng Kanyang Bugtong na Anak, kung susundin natin ang salaysay ni San Lucas tungkol sa kaganapang ginugunita ng Simbahan sa espesyal na Kapistahang ito.
Kaya naman, ang paanyaya sa atin ng Simbahan sa araw na ito ay ang mismong mga salita sa Salmo. Purihin ang Panginoong Diyos bilang pasasalamat sa planong Siya mismo ang bumuo alang-alang sa atin. Purihin natin ang Panginoong Diyos puno ng habag at kagandahang-loob para sa atin. Tunay nga Siyang nagmamagandang-loob. Tayong lahat ay tunay nga Niyang kinahahabagan. Ang ipinangakong Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang patunay nito. Dahil diyan, buong pananalig nating ialay ang ating papuri at pagsamba sa Kanya.
VIVA POONG JESUS NAZARENO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento