16 Enero 2022
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (K)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Lucas 2, 41-52
Ang Kapistahan ng Santo Niño ay isang mahalagang araw para sa buong Simbahan sa Pilipinas. Ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas ang Kapistahang ito pagsapit ng ikatlong Linggo ng buwan ng Enero taun-taon. Iyan ay dahil kinikilala ng Roma ang halaga ng Mahal na Poong Santo Niño sa pananampalatayang Pilipino. Kaya naman, binigyan ng pahintulot ang Simbahan sa Pilipinas na ipagdiwang ang Kapistahang ito. tuwing sasapit ang ikatlong Linggo ng Enero taun-taon.
Sa Kapistahan ng Santo Niño para sa taong ito, ang Ebanghelyo ay tungkol sa isang kakaibang sandaling naganap noong ang Panginoong Hesus ay isang bata pa lamang. Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa Kapistahan ng Banal na Sanggol na si Kristo Hesus sa taong ito ay ang paghahanap sa Kanya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose. Ang Batang Hesus ay nawala sa kanilang paningin sa loob ng tatlong araw. Ang Batang Hesus ay nahanap nila sa templo kasama ang mga guro sa ikatlong araw ng kanilang paghahanap.
Nakakapagtaka kung bakit ang kaganapang ito na naganap noong bata pa si Kristo ang piniling pagtuunan ng pansin at pagnilayan sa Ebanghelyo para sa Kapistahan ng Santo Niño sa taong ito. Katunayan, tila mapapataas ng kilay ang bawat isa sa atin kung titingnan natin ang ugnayan nito sa iba pang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag na isang sanggol na lalaki ang ibinigay ng Panginoon. Sa Ikalawang Pagbasa, binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo ang pagiging mapagpala ng Diyos. Dahil sa pagiging mapagpala ng Diyos, ipinagkaloob Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang tayo rin ay maging Kanyang mga anak. Sa pamamagitan ng gawang ito, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Unang Pagbasa. Paano nangyaring nawala sa loob ng tatlong araw ang Batang Hesus? Bakit nagpaiwan sa Herusalem si Hesus noong bata pa lamang Siya? Bakit hinayaan ng Batang Hesus na mag-alala para sa Kanya ang Kanyang mga magulang sa loob ng tatlong araw? Ang Batang Hesus ba'y mayroong pagkapasaway? Bakita Niya ginawa ito?
Tugon ni Hesus sa Mahal na Inang si Maria, "Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat nasa bahay ng Aking Ama?" (Lucas 2, 49). Napakalinaw kung ano ang ibig sabihin ng Batang si Kristo Hesus. Kahit na bata pa lamang Siya sa sandaling iyon, ipinakita ni Kristo ang Kanyang kaalaman tungkol sa nais ng Ama. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ipinakita rin ni Kristo Hesus ang Kanyang pagiging handa na tuparin ang kalooban ng Amang nasa langit. Isang pahiwatig nito ay ang Kanyang pagiging masunurin kay San Jose at sa Mahal na Birheng Maria na Kanyang mga magulang sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo (Lucas 2, 51). Kung paanong si Hesus ay naging isang masunuring anak sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose, naging masurin rin Niya sa kalooban ng Amang nasa langit.
Itinuturo sa atin ng Mahal na Poong Santo Niño ang halaga ng pagiging masunurin sa kalooban ng Amang nasa langit. Mayroong plano ang Amang nasa langit para sa atin. Tayo mismo ang magpapasiya kung tutuparin ang Kanyang kalooban tulad ng ginawa ng Mahal na Poong Santo Niño. Tayo ag magpapasiya kung lagi ba tayong magiging handa na ibigay ang ating "Oo" sa Ama katulad ng Santo Niño.
VIVA SANTO NIÑO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento