Sabado, Enero 29, 2022

PAGPAPALA AT PARUSA

13 Pebrero 2022 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 17, 5-8/Salmo 1/1 Corinto 15, 12. 16-20/Lucas 6, 17. 20-26 


Sa Ikalawang Pagbasa, nakatuon ang pansin ng pangaral ni Apostol San Pablo sa halaga ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa pananampalatayang Kristiyano. Sabi niya na walang saysay ang pananampalatayang Kristiyano na ipinangaral niya at ng iba pang mga apostol at misyonero kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15, 17). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ay inilarawan ni Apostol San Pablo bilang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng kaligtasan at kabuluhan ang ating pananampalataya. May kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano dahil sa biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa tanang tao sa mundo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagpapala at parusa. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan ngayong Linggong ito na mayroong kapangyarihang magparusa o magkaloob ng pagpapala sa atin ang Diyos. Maaari tayong parusahan o pagkalooban ng pagpapala. Tayo mismo ang magpapasiya kung ano ang nais nating gawin ng Diyos para sa atin. Ang ating mga salita at gawa ay sumasalamin sa ating desisyon. Tiyak na pipiliin ng marami ang pagpapala ng Panginoong Diyos. Subalit, kailangan nating patunayan sa Kanya ang hangaring ito sa ating mga salita at gawa. 

Diretsyahang inilarawan ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo kung sino ang mga mapapalad at kawawa sa paningin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Hesus ang pagiging mahabagin at makatarungan ng Diyos. Ipinapaalala Niya sa lahat sa pangaral na ito ang mga salitang ito sa aklat ni Job: "Ang Panginoon ang nagbigay; ang Panginoon rin ang bumabawi" (1, 21). Ang Kanyang katarungan at katapatan ay nagsisilbing salamin ng Kanyang awa at habag. Ipinapaalala ni Hesus sa Kanyang pangaral na ito na sa kahuli-hulihan, gagamitin ng Diyos ang ating mga salita at gawa bilang basehan ng Kanyang pasiyang pagkalooban tayo ng pagpapala o parusahan. 

Hindi bago ang pagiging diretsyahan o prangka ng Diyos. Katunayan, talaga namang napaka-prangka o diretsyo ang mga unang salita ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Diretsyahang sinabi ng Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad naman ni Propeta Jeremias sa bayang Israel na parurusahan Niya ang mga tatalikod sa Kanya (17, 5). Bagamat hindi nais ng Diyos na magparusa ng tao, wala na Siyang magagawa kung may nagpasiyang ayaw maging tapat at masunurin sa Kanya at tanggapin ang Kanyang pagpapala. 

Pati ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, diretsyahan niyang inilarawan sa kanyang awitin, ang Magnificat, ang pagiging makatarungan at mapagpala ng Diyos. Ang mga nasa abang kalagayan ay itataas ng Diyos habang ang mga nasa kapangyarihan ay Kanya namang ibabagsak (Lucas 1, 52). Ang Diyos ay mahabagin at mapagpala. Ang sinumang hindi mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas ay parurusahan Niya. Ibubuhos naman Niya ang Kanyang pagpapala sa lahat ng mga nagpasiyang maging masunurin at tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na gagamitin ng Diyos ang ating mga salita at gawa bilang basehan ng Kanyang pasiyang parusahan tayo o buhusan ng Kanyang pagpapala. Kung nais nating tanggapin at makinabang ang pagpapala ng Panginoon, lalung-lalo sa wakas ng panahon, ipakita natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang hangaring ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento