Biyernes, Enero 28, 2022

SUMUNOD UPANG MAKAMIT ANG TUNAY NA KAGALAKAN

11 Pebrero 2022
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


Sa salaysay tungkol sa Kasalan sa Cana sa Ebanghelyo, ang mga lingkod sa nasabing kasal ay sinabihan ng Mahal na Birheng Maria na sundin ang mga utos ni Hesus. Sa ganitong paraan niya ito sinabi sa mga lingkod: "Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo" (Juan 2, 5). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, pinalakas ni Maria ang loob ng mga lingkod sa kasal. Mayroong makakatulong sa kanila. Katunayan, itinuro pa nga niya sa kanila kung sino ang tanging makakatulong sa kanila. Si Hesus lamang ang tanging makakatulong sa kanila. Walang ibang makakatulong sa kanila kundi si Hesus na Anak ng Diyos at Anak ni Maria. 

Maging sa kasalukuyang panahon, hindi nawawalan ng saysay ang mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Inang si Maria. Sundin ang utos ni Hesus. Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes na siya ring itinalaga bilang Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit, muling pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan ang mga salitang ito ng Mahal na Birhen. Katunayan, ang mga salitang ito ay ang dahilan kung bakit maraming pinagaling si Hesus. Sa isang utos lamang ni Hesus, gumagaling ang mga maysakit. Ilan sa mga taong gumaling dahil sa kanilang pagsunod sa utos ng Panginoong Hesukristo ay ang lalaking ipinanganak na bulag at ang sampung ketongin. 

Tunay ngang maaasahan si Hesus. Marami Siyang pinagaling na maysakit. Huwag rin nating limutin ang katotohanang Siya rin ang may gawa sa pinakadakilang himala sa kasaysayan ng mundo - ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Saan pa ba tayo? Bakit pa ba tayo maghahanap ng iba? Marami Siyang ginawa upang patunayan ang Kanyang pagiging Diyos alang-alang sa atin. Pagdududahan pa ba natin si Kristo? 

Nagbitiw ng isang pangako ang Panginoon sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang sabi ng butihing Panginoong Diyos na kakalingain Niya ang mga tatalima sa Kanya (Isaias 66, 14k). Iyan ang pangako ng Diyos. Kung susundin natin ang Panginoon, wala tayong dapat ikabahala. Kakalingain Niya tayo. Aalagaan Niya tayo. Tutulungan Niya tayo sa ating mga hinaharap sa buhay. Hindi Niya tayo pababayaan. Sabi nga sa isa sa mga kabanata sa aklat ng mga Salmo: "Ang tumutulong sa atin ay ang Panginoon na may gawa ng langit at lupa" (124, 8). 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Inang si Maria kung sino ang dapat nating sundin nang buong puso - si Hesus. Katulad ng mga maysakit na sumunod sa Kanyang utos, tulad na lamang ng lalaking ipinanganak na bulag, mga lumpo, mga ketongin, at marami pang iba, sundin natin ang utos ng Panginoong Hesus. Matatamasa natin ang tunay na galak na Kanyang kaloob kapag ito ang ipinasiya nating gawin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento