Huwebes, Enero 20, 2022

TINUTULUNGAN NIYA TAYONG MAGBAGONG-BUHAY

25 Enero 2022 
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18


Ang pagbabagong-buhay ay isang biyaya mula sa Panginoong Diyos. Isinasalamin ng biyayang ito ang hangarin ng Diyos na baguhin tayo. Nais ng Diyos na tulungan tayo sa proseso ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging handang tulungan ang bawat isa sa atin na bumalik sa Kanya. Lagi Siyang ngumingiti kapag nakikita Niyang lumalapit tayo sa Kanya upang hingin sa Kanya ang Kanyang tulong sa pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Kanya. 

Isa sa mga pinagkalooban ng biyayang ito ay walang iba kundi si Apostol San Pablo na hinirang ng Diyos upang maging apostol sa mga Hentil. Inilaan ang ika-25 araw ng Enero sa pag-alala sa pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo. Ang yugtong ito ng buhay ni Apostol San Pablo ay inilahad sa Unang Pagbasa. Si Hesus ay nagpakita sa kanya sa daang patungong Damasco. Sa sandaling iyon, naranasan niya ang awa at habag ng Diyos. Sa kabila ng kanyang pag-uusig sa Simbahan, pinili pa rin siya upang maging misyonero at saksi ni Kristo sa mga Hentil. Isang bagong buhay ang inalok ng Panginoong Hesus sa kanya. Ang bagong buhay na ito ay inilarawan mismo ni Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo. Ang alok at tulong na ito ng Panginoong Hesukristo ay tinanggap ni Apostol San Pablo nang buong puso. 

Katulad ni Apostol San Pablo, inaaalok tayo ng Panginoon ng isang bagong buhay. Sa pamamagitan ng pagpapalang ito, inihahayag ng Panginoon na lagi Siyang handang tulungan tayong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang alok Niyang ito ay isang biyayang kusa Niyang ipinagkakaloob sa atin. Nasa atin ang pasiya kung ang biyayang ito ay buong puso nating tatanggapin tulad ni Apostol San Pablo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento