Huwebes, Enero 27, 2022

KAHIT HINDI PERPEKTO

6 Pebrero 2022 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 137/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8. 11)/Lucas 5, 1-11


"Lumayo po Kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y makasalanan" (Lucas 5, 8). Ito ang mga salitang binigkas ni Apostol San Pedro sa Panginoong Hesus matapos ang mapaghimalang paghuli ng isda sa Lawa ng Genesaret. Nakahuli ng maraming isda sina Apostol San Pedro at ang kanyang mga kasama sa tulong ng Panginoon. Dahil dito, napagtanto ni Apostol San Pedro na hindi basta-basta si Hesus. Bagkus, isang biyaya mula sa Diyos si Hesus. Namulat si Apostol San Pedro sa biyaya ng habag ng Kataas-taasang Diyos na kanyang nakita kay Hesus. 

Ang mga salitang ito ni Apostol San Pedro sa Ebanghelyo ay ginagamit ng Simbahan sa Linggong ito bilang sentro ng pagninilay. Ang temang pinagninilayan sa Linggong ito ay ang paghirang sa atin ng Diyos sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kahit hindi tayo perpekto, mayroong misyong inilaan ang Panginoon para sa atin. Patuloy tayong tinatawag, pinipili, at hinihirang ng Panginoon upang gampanan ang misyong bigay Niya sa atin. Alam ng Diyos na hindi tayo perpekto. Subalit, ang ating pagiging makasalanan ay hindi hadlang para sa Panginoon na bigyan tayo ng misyon. 

Sa Unang Pagbasa, inihandog ni Propeta Isaias ang kanyang sarili sa Diyos kahit na hindi siya perpekto. Batid ni Propeta Isaias na marami siyang kasalanan. Batid niyang marami siyang karupukan bilang isang tao. Dahil dito, alam niyang hindi siya karapat-dapat na makinabang sa biyaya ng Diyos. Subalit, niloob pa rin ng Diyos na si Isaias ay maging Kanyang propeta para sa Kanyang bayan. Dahil pinagindapat siya ng Diyos na maging Kanyang propeta, buong kababaang-loob niya nasabi sa wakas ng Unang Pagbasa, "Narito po ako. Ako ang isugo N'yo" (Isaias 6, 8). 

Ipinapaalala ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto sa huling bahagi ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na hindi siya karapat-dapat maging isang apostol at misyonero. Subalit, sa kabila nito, niloob ng Panginoon na magtungo siya sa bayan ng Corinto at sa iba pang mga lugar bilang Kanyang apostol at misyonero. Isa lamang ang dahilan nito - ang kagandahang-loob ng Panginoon. Ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon ay ang dahilan kung bakit naging apostol at misyonero si Apostol San Pablo. Bilang apostol at misyonero, nangaral siya tungkol sa Mabuting Balita ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. 

Oo, batid ng Panginoon na hindi tayo perpekto. Batid Niyang marami tayong mga pagkukulang at kasalanan. Batid Niya ang ating mga kahinaan bilang tao. Subalit, sa kabila nito, niloob Niyang bigyan ng isang misyon. Sa pamamagitan ng mga misyong ito na kaloob sa atin ng Diyos, lalo nating Siyang binibigyan ng kadakilaan. Binigyan tayo ng misyon ng Diyos upang lalo natin Siyang maparangalan. Ito ang dahilan kung bakit buong habag na sinabi ng Panginoong Hesus kay Apostol San Pedro sa wakas ng Ebanghelyo na magiging mamamalakaya na siya ng mga tao (Lucas 5, 10). 

Bilang tao, hindi tayo perpekto. Alam natin ang katotohanang ito. Alam rin ng Diyos ang katotohanang ito. Subalit, para sa Diyos, hindi ito isang hadlang para hindi tayo tawagin at piliin upang magmisyon bilang Kanyang mga saksi. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento