23 Enero 2022
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Nehemias 8, 2-4a. 5-6. 8-10/Salmo 18/1 Corinto 12, 12-30 (o kaya: 12, 12-14. 27)/Lucas 1, 1-4; 4, 14-21
Misyon ang paksang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin ng Simbahan na ang bawat isa sa atin ay hinirang ng Diyos. Hinirang tayo ng Panginoon upang tuparin ang misyong ibinibigay Niya sa atin. Ang mga misyong ibinigay ng Panginoon ay hindi lamang para sa isa o dalawang tao lamang. Hindi rin ito para sa isang pangkat o lahi lamang. Bagkus, para sa bawat isa sa atin ang mga misyong ibinibigay ang Panginoong Diyos. Mayroon tayong kani-kaniyang misyon mula sa Panginoon. Walang sinuman sa atin ang makapagsasabing hindi siya binigyan ng misyon ng Diyos.
Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagsimula sa pamamagitan ng isang pagbati sa isang taong nagngangalang Teofilo. Sa pagbating ito, inilarawan ni San Lucas kung bakit ipinasiya niyang magsulat tungkol kay Hesus. Sabi ni San Lucas sa pagbating ito na ginagawa niya ito upang lubusang matiyak ni Teofilo ang katotohanan (1, 3). Ang pakay ni San Lucas ay napakalinaw - magpatotoo tungkol sa katotohanan na walang iba kundi si Hesus. Ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus na Siya ring bukal ng katotohanan ang pinatotohanan ni San Lucas sa kanyang salaysay ng Ebanghelyo o Mabuting Balita. Iyon ang kanyang misyon.
Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus sa sinagoga na natupad ang talatang Kanyang binasa (Lucas 4, 21). Ang talatang binasa ni Hesus ay galing sa aklat ni Propeta Isaias. Inilalarawan sa mga salitang ito mula sa aklat ni Propeta Isaias ang misyon ng ipinangakong Mesiyas. Sa pamamagitan ng pahayag na ito matapos basahin ang mga talatang iyon ng aklat ni Propeta Isaias, inilarawan ni Hesus kung bakit Siya dumating sa daigdig. Mayroon Siyang misyon na dapat Niyang tuparin. Ang misyong iyon ay inilarawan sa aklat ni Propeta Isaias. Ang misyong ito ay bigay sa Kanya ng Amang nasa langit.
Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa sa atin ay bumubuo sa Katawan ni Kristo. Dahil diyan, tayong lahat ay mayroong misyon. Ang ating misyon bilang mga bumubuo sa Katawan ni Kristo ay maging banal. Dahil banal si Kristo, kailangan nating maging banal katulad Niya. Kailangan nating ipalaganap sa lahat ng dako ang kabanalan ni Kristo. Kailangan nating magsilbi bilang mga salamin ni Kristo. Iyan ang ating misyon bilang mga bumubuo sa Katawan ni Kristo. Maging mga salamin ni Kristo. Isalamin ang Kanyang kabanalan.
Oo, mahina tayo. Oo, mga makasalanan tayo. Subalit, sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, hinirang tayo ng Panginoon para sa isang mahalagang misyon. Tayong lahat ay pinagindapat Niyang tuparin ang misyong ito. Ang ating misyon ay ibahagi sa kapwa ang kabutihan at kabanalan ni Kristo. Ang ating misyon ay maging banal tulad ni Kristo. Sa pamamagitan nito, makikilala ng lahat si Kristo bilang bukal ng kabutihan at kabanalan.
Hinirang tayo ni Kristo Hesus upang maging bahagi ng Kanyang Katawan. Katulad ng mga Israelita matapos basahin ni Ezra ang Kautusan sa Unang Pagbasa, buong puso at kababaang-loob nawa nating ibigay ang ating "Oo" at "Amen" sa misyong bigay ng Diyos sa atin. Buong kababaang-loob nawa nating tanggapin ang Kanyang paghirang sa bawat isa sa atin at tuparin ang misyong Kanyang bigay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento