Sabado, Enero 22, 2022

LIWANAG NA NAGMUMULA SA LANGIT

2 Pebrero 2022 
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 


"Si Hesukristo ang Ilaw na sa lahat ay tatanglaw . . . " Napakalinaw kung ano ang nais ilarawan ng mga unang salita ng Pambungad na Antipona para sa Banal na Misa sa araw na ito. Sa araw na ito, ang Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo na tinatawag ring "Candelaria," nakatuon ang pansin ng Simbahan kay Hesus bilang tunay na liwanag. Si Hesus ay ang tunay na liwanag na nagmula sa langit. Sa pamamagitan ng pagdating ni Hesus, dumating ang tunay na liwanag sa mundo. Ang liwanag na tunay, na walang iba kundi si Kristo Hesus, ay umaakay sa atin tungo sa kaligtasang Kanyang kaloob sa lahat. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang pagdating ng tunay na liwanag. Inilarawan sa Salmo para sa araw na ito kung sino ang nagkaloob ng tunay na liwanag. Ang nagkaloob ng tunay na liwanag ay walang iba kundi ang Diyos. Ang tunay na liwanag ay Kanyang ipinagkaloob sa lahat sa pamamagitan ni Hesus. Sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang tunay na liwanag na walang iba kundi si Kristo. Ang Panginoong Hesus na Siyang tunay na liwanag na nagmula sa langit ay dumating sa lupa upang dalisayin at linisin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Dugo. Ang misyong ito ng Panginoong Hesukristo bilang tunay na liwanag na dumating sa mundo ay inilarawan sa kantikulo ni Simeon sa Ebanghelyo. Dumating sa mundong ito si Hesus bilang tunay na liwanag na umaakay sa atin sa kaligtasang kaloob Niya. 

Gaya ng sabi ni Propeta Isaias sa simula ng kanyang propesiya tungkol sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos: "Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman" (9, 1). Mismong si Hesus na rin ang nagsabi na ang sinumang susunod sa Kanya "ay magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay at 'di na lalakad sa kadiliman" (Juan 8, 12). Iyan ang tunay na liwanag na si Hesus. Ang mga susunod sa Kanya ay hindi Niya aakayin tungo sa kapahamakan. Bagkus, sila'y Kanyang aakayin patungo sa kaligtasang dulot ng Kanyang liwanag. 

Ang tunay na liwanag ay walang iba kundi si Hesus na nagmula sa langit. Dumating sa mundong ito ang tunay na liwanag na si Hesus upang akayin tayo tungo sa isang napakaespesyal na biyaya - ang biyaya ng kaligtasang Kanyang kaloob sa lahat. Ang biyayang ito ay hindi lamang napakaespesyal kundi ito ang pinakadakilang biyaya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento