30 Enero 2022
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Jeremias 1, 4-5. 17-19/Salmo 70/1 Corinto 12, 31-13, 13 (o kaya: 13, 4-13)/Lucas 4, 21-30
Hindi natin dapat isiping ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos ay madali. May mga pagkakataon sa ating buhay kung saan mahihirapan tayong sumunod sa kalooban ng Diyos. Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito kung gaano kahirap sumunod sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang dapat nating asahan kapag tinanggap natin ang kalooban ng Diyos. Isa itong babala mula sa Simbahan para sa atin tungkol sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Jeremias ang isa sa mga pinakamasikat na talata mula sa Lumang Tipan: "Bago ka ipinaglihi, kilala na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga kita sa Akin upang maging propeta sa lahat ng bansa" (1, 5). Inilarawan sa mga salitang ito na ang Panginoong Diyos ay nakabuo na ng plano para kay Propeta Jeremias bago pa man siya isilang sa mundong ito. Gayon din ang Kanyang ginawa para sa bawat isa sa atin. Nakabuo na Siya ng hangarin para sa bawat isa. Mayroon na Siyang nais ipagawa sa atin bago pa man tayo isilang.
Iyon nga lamang, may isang detalyeng madalas hindi binibigyan ng pansin ng marami kapag nababasa ang talatang ito. Hindi naman sinabi ng Panginoon na mapupuno ng bahaghari o liwanag ang bawat sandali ng ating buhay kapag ipinasiya nating sundin ang Kanyang kalooban. Walang sinabing ganyan ang Panginoong Diyos kay Propeta Jeremias. Katunayan, sabi Niya mismo kay Propeta Jeremias na sasalungatin siya ng mga Hari ng Juda, mga pinuno, mga saserdote, at ng buong bayan (1, 18-19). Isang patunay ito na hindi madaling sundin ang kalooban ng Diyos.
Maski ang Diyos mismo ay nakaranas din ng hirap sa pagsunod sa planong Kanyang binuo. Sa Ebanghelyo, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay nakaranas rin ng hirap ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang planong binuo Niya, ng Ama, at ng Espiritu Santo ay mahirap sundin. Bakit? Dahil sa Kanyang naranasan sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Si Hesus ay hindi tinanggap sa Nazaret, ang bayan kung saan Siya lumaki. Katunayan, muntik pa nga nilang mapatay si Hesus dahil ibubulid sana Siya sa bangin matapos pagtabuyan mula sa sinagoga (Lucas 4, 29). Kahit na nakaalis ang Panginoong Hesus, hindi natin mapagkakaila na talagang labis Siyang nasaktan dahil sa pangyayaring ito.
Ang mga salita naman sa Ikalawang Pagbasa ay maituturing natin mahirap gawin, lalo na kung mayroong mga taong kinaiinisan natin. Si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pag-ibig sa Ikalawang Pagbasa. Napakahirap gawin ito, lalo na kung may mga kinaiinisan tayo. Mas lalo itong mahirap gawin kung may mga kaaway tayo sa halip na mga kinaiinisan. Patunay lamang ito na hindi madaling tuparin at sundin ang kalooban ng Ama. Mahirap talagang maging masunurin sa Diyos.
Kung nais nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Panginoong Diyos, kailangan nating tandaan na mahirap maging masunurin sa Kanya sa lahat ng oras. May mga sandali sa ating buhay kung saan makakaranas tayo ng mga pagsubok at tukso. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi nangangahulugang palagiang bahaghari o liwanag sa bawat sandali ng ating buhay bilang Kanyang mga tagasunod at lingkod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento