Huwebes, Pebrero 3, 2022

MAHABAGIN TULAD NG AMA

20 Pebrero 2022 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 


"Maging mahabagin kayo [katulad] ng inyong Ama" (Lucas 6, 36). Nakasentro sa mga salitang ito ang pangaral ni Hesus na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa bawat bahagi ng Kanyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging mahabagin. Ang bahaging ito ng Kanyang mahabang pangaral ay inilaan Niya sa pagturo sa mga tao na dapat silang mahabagin sapagkat mahabagin ang Amang nasa langit. Para sa Panginoong Hesus, marapat lamang magpakita ng habag ang bawat isa sa atin sa ating kapwa-tao dahil kinahabagan rin tayo ng Diyos. 

Hindi lamang tinalakay sa pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging mahabagin sa isa't isa. Ang iba pang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon rin sa halaga ng pagiging mahabagin tulad ng ating Panginoon. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin na dapat tayo magpakita ng habag sa isa't isa katulad ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay kinahabagan ng Panginoon, kaya dapat lamang tayo magpakita ng habag sa kapwa. Iyan ang dapat nating gawin bilang mga tinanggap at itinuring ng Diyos na Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Sa Unang Pagbasa, si David ay nagpakita ng habag kay Haring Saul. Alam ni David na nais siyang patayin ni Haring Saul. Subalit, pinili ni David na huwag patayin ang hari. Katunayan, ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay ang ikalawang pagkakataong ginawa ito ni David. Sa unang pagkakataon, pinutol ni David ang laylayan ng damit ni Haring Saul sa loob ng isang kuweba. Sa ikalawang pagkakataon, hindi ginamit ni David ang sibat upang patayin si Haring Saul. Sabi na mismo ni David sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa na hindi niya papaslangin si Haring Saul kahit na niloob ng Diyos na mahulog ang hari sa kanyang mga kamay. Isa lamang ang dahilan nito - hinirang ng Diyos si Haring Saul (1 Samuel 25, 23). 

Ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay tinalakay sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng biyayang ito, nahayag ang habag ng Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang pangalawang Adan na walang iba kundi si Kristo Hesus upang maging ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pangalawang Adan na tinutukoy sa Ikalawang Pagbasa, ang biyaya ng buhay at kaligtasan ay dumating. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (102, 8a). Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay at walang hanggan. Hindi Niya ito ipinagdamot sa atin kailanman. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob at ibinuhos sa atin. Hindi rin Siya tumitigil o nagsasawa sa paggawa nito. Lagi Niya itong ginagawa nang hindi nagsasawa kailanman. 

Kung paanong ang Panginoon ay naging mahabagin sa atin, dapat rin tayong maging mahabagin sa isa't isa. Dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang habag ng Diyos na ating tinanggap. Ipalaganap natin ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Tulad ng Panginoon, huwag rin tayong magsawa sa pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob. Huwag tayong tumigil sa pagiging mahabagin katulad ng Panginoon. Iyan ang tungkulin bilang mga inangkin ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Dapat magsilbing salamin ng mahabaging Diyos ang bawat isa sa atin sa ating kapwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento