20 Marso 2022
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9
Mula noong nagsimula ang panahon ng Kuwaresma sa araw ng Miyerkules ng Abo, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa misteryo ng awa ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoong Diyos dahil sa Kanyang awa. Dahil sa Kanyang awa, niloob ng Panginoong Diyos na pagkalooban tayo ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Kaya naman, ang panawagan ng Simbahan sa mga mananampalataya sa panahong ito ng Kuwaresma ay magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon.
Sa Linggong ito, binibigyan ng pansin ang pag-asang kaloob ng Diyos. Isang biyaya mula sa Diyos ang pag-asa. Ang pag-asang kaloob ng Diyos ay para sa ikabubuti ng lahat. Ang pag-asang ito ay isang pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang pag-asang kaloob ng Diyos ay sumasalamin sa Kanyang awa. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng Diyos ng pag-asang magbalik-loob sa Kanya dahil hangad Niyang matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Iyan ang ating Diyos. Ayaw Niya tayong mapahamak. Dahil dito, patuloy Niyang binibigyan ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya ang bawat isa sa atin.
Ang talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo sa Linggong ito ay tungkol sa misteryo ng habag ng Diyos. Kung paanong ang may-ari ng ubasan ay nagpakita ng konsiderasyon para sa puno ng igos na walang bunga sa loob ng mahabang panahon dahil sa pakiusap sa kanya ng tagapag-alaga nito, gaya ng nasasaad sa talinghaga ni Hesus, gayon din naman, ang Diyos ay laging nagpapakita ng habag at awa sa lahat ng tao. Ang Diyos ay tunay ngang maawain at mahabagin sa lahat. Dahil ang Diyos ay tunay ngang maawain at mahabagin, hindi Siya tumitigil sa pagbibigay ng pag-asa sa lahat upang makapagbagong-buhay at makapagbalik-loob sa Kanya. Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa mundo, mayroong pag-asa para sa atin na magbagong-buhay at maging banal dahil sa awa ng Diyos.
Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (Salmo 102, 8a). Kung paanong inihayag ng Diyos kay Moises sa Bundok ng Horeb ang Kanyang awa para sa mga Israelita sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa at kung paano Niya ginawa ang mga mabubuting bagay na inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, lagi Niyang ipinapakita sa tanan ang Kanyang awa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pag-asa.
Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay na mapalad dahil ang ating Diyos ay nagbibigay ng pag-asa. Ang Diyos na ating sinasamba ay puspos ng awa at habag para sa atin. Dahil sa Kanyang habag at awa, binibigyan Niya tayo ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Hindi Siya titigil sa paghatid ng pag-asa sa atin habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento