19 Marso 2022
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51)
Patris Corde ("Puso ng Isang Ama") ang temang pinagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Taon ni San Jose na ipinagdiriwang mula sa ika-8 ng Disyembre 2020 hanggang sa ika-8 ng Disyembre 2021. Ang temang ito ay hango mula sa Liham Apostolika ng kasalukuyang Santo Papa na si Papa Francisco para sa taong iyon. Si Papa Francisco mismo ang nagdeklara sa nasabing taon sa pagninilay at pagpaparangal kay San Jose bilang paggunita sa Ika-150 Anibersaryo ng Pagdeklara sa kanya bilang Pintakasi at Tagapagtanggol ng Simbahan.
Sa nasabing Liham Apostolika, pinagtuunan ng pansin ni Papa Francisco ang pagiging mapagmahal ni San Jose kay Hesus bilang Kanyang ama-amahan sa lupa. Bagamat ipinaglihi si Hesus sa sinapupunan ng Birheng Maria lalang ng Espiritu Santo, gaya ng nasasaad sa eksenang itinatampok sa Ebanghelyo ni San Mateo sa araw na ito, inibig pa rin Siya ni San Jose na may puso ng isang ama. Ganyan rin ang ginawa sa kanya ni Hesus. Kahit na alam ni Hesus na nagmula Siya sa langit, inibig pa rin Niya si San Jose bilang Kanyang ama sa mundong ito. Kaya naman, nasasaad sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas na itinatampok rin sa araw na ito na ang Batang Hesus ay umuwi sa Nazaret kasama sina Maria at Jose at naging isang masunuring anak (2, 51a). Iyan ang puso ni San Jose. Iyan ang pag-iibigan nina Hesus at San Jose bilang anak at ama.
Mayroong dahilan kung bakit tinaglay ni San Jose ang puso ng isang ama. Si San Jose ay nagkaroon ng puso ng isang ama dahil ang kanyang puso ay tapat at nakikinig sa Diyos. Tinaglay ni San Jose ang isang pusong tapat at nakikinig. Iyan ang dahilan kung bakit nasasaad sa wakas ng isa sa mga tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito na "sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon" (Mateo 1, 24a). Ang pasiyang ito ni San Jose ay isa lamang patunay na ang kanyang puso ay isang pusong tapat at nakikinig. Tapat siyang nakinig at tumalima sa utos ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay sa lupa. Dahil lagi siyang nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos nang buong katapatan sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa lupa, nagkaroon siya ng puso ng isang ama.
Tampok rin sa araw na ito ang puso nina Haring David at Abraham. Ang dalawang ito na naging mga ninuno ni San Jose ay nagtaglay rin ng isang pusong tapat at nakikinig sa Diyos. Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pangako ng Diyos kay Haring David. Ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Haring David sapagkat lagi siyang tapat at handang makinig sa Kanya. Kahit na may mga pagkakataon kung saan nagkasala siya laban sa Diyos, katulad na lamang ng kanyang pakikiapid kay Bat-seba, ipinasiya pa rin niyang maging tapat sa Diyos. Lagi siyang handang makinig sa Diyos nang buong katapatan sa bawat sandali ng kanyang buhay sa mundo. Ginawa rin ito ng ama ng pananampalataya na si Abraham. Sa Ikalawang Pagbasa, ang pananalig ni Abraham ay binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo. Bagamat napakahirap para sa kanya na unawain ang kalooban ng Diyos, nanalig pa rin si Abraham. Nanalig si Abraham na mayroong magagawa ang Diyos para tuparin ang pangakong ito. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Abraham na maging tapat at handang makinig sa Diyos.
Isang pusong tapat at handang makinig. Iyan ang pusong tinaglay ni San Jose. Dahil diyan, nagkaroon siya ng puso ng isang ama. Katulad ni San Jose, magkaroon nawa tayo ng isang pusong laging tapat at handang makinig sa kalooban ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento