6 Marso 2022
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13
Mayroong apatnapung araw ang panahon ng Kuwaresma. Kaya naman, ang opisyal na pangalan ng panahong ito ay "Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay." Sa loob ng apatnapung araw na ito, ang Simbahan ay nananawagan sa lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos, inihahanda natin ang ating mga sarili para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos.
Subalit, bukod sa pagiging panahon na inilaan ng Simbahan para sa taimtim at taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbalik-loob sa Panginoong Diyos, ang panahong ito ay inilaan rin sa paglalakbay kasama Siya. Sa panahong ito, inaanyayahan tayo na maglakbay kasama si Hesus sa ilang. Sa pamamagitan ng paglalakbay na ito kasama ang Panginoong Hesukristo, mahahanap natin ang tunay nating mga sarili. Ang tunay nating pagkakilanlan. Ano naman iyon? Tayong lahat, bagamat mga makasalanan, ay tinanggap at itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil kay Kristo Hesus. Ang katotohanang ito tungkol sa ating pagkakilanlan ang pupukaw sa atin na tahakin ang daan o landas pabalik sa Kanya.
Kaya naman, sa Ebanghelyo, si Hesus ay naglakbay patungo sa ilang. Dinala Siya sa ilang ng Espiritu Santo. Doon sa ilang, napagtagumpayan ni Hesus ang panunukso ni Satanas. Sa kabila ng kahinaan ng Kanyang Katawan dahil apatnapung araw Siyang nanatili sa ilang na walang pagkain o inumin, tinutulan at nilabanan ni Hesus nang buong katapatan sa Ama ang mga tukso ng demonyong nais Siyang samantalahin sa oras na mahina ang Kanyang Katawan. Hindi nagpatalo si Hesus sa tatlong tukso ng demonyo dahil nanatili pa rin Siyang tapat sa Ama.
Ano naman ang kinalaman ng tagumpay ni Hesus laban sa mga tukso ng demonyo sa Kanyang paglalakbay sa ilang? Paano nauugnay ang dalawang ito? Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ni Hesus na maglakbay tungo sa ilang upang mag-ayuno at manalangin. Subalit, pinili Niyang magtungo sa ilang dahil iyon ang kalooban ng Ama. Dinala Siya sa ilang upang pagtagumpayan ang tukso. Sa pamamagitan ng Kanyang tagumpay laban sa mga tukso ng demonyo sa ilang, ipinakita ni Hesus ang tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan. Iyon ang dahilan kung bakit naglakbay si Hesus patungo sa ilang.
Hindi lamang ang paglalakbay ni Hesus sa disyerto ang paglalakbay na itinatampok at nais bigyan ng pansin sa Linggong ito. Ang paglalakbay ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako ay ipinaalala ni Moises sa mga tao sa Unang Pagbasa. Ito ang tuntuning ibinigay niya sa mga tao tungkol sa kanilang sasambitin sa tuwing ihahandog ang unang bunga ng pananim. Sa gayon, maaalala ng mga tao kung bakit nila ito ginagawa. Ginagawa ito para sa Panginoong Diyos na umakay sa kanila sa kanilang mahabang paglalakbay tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako.
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa isang napakahalagang katangiang dapat taglayin ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa - pananalig. Ito rin ang binigyan ng pansin sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan" (Salmo 90, 15b). Kailangan nating manalig sa Diyos. Ang dahilan kung bakit ay ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa paliwanag na ito, sinabi ni Apostol San Pablo na ang bawat tao ay nananalig "sa pamamagitan ng kanilang puso" (Roma 10, 10). Ito ang kailangan natin bilang mga Kristiyano upang maipahayag natin nang taos-puso ang ating "Oo" sa paanyaya ng ating Panginoong Hesus na maglakbay kasama Niya.
Inaanyayahan tayo ng panahon ng Kuwaresma na maglakbay kasama si Hesus nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin muli ang katotohanan tungkol sa ating mga sarili. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin ng Ama na angkinin tayo bilang Kanyang mga anak. Gaano man kalaki o kaliit ang ating pananalig, ibigay pa rin natin ang ating "Oo" sa paanyayang ito ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento