27 Pebrero 2022
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45
"Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Ito ang mga salita ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng Kanyang pangaral sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo ay isang bahagi lamang ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi ito kasing-haba ng Kanyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo ni San Mateo kung saan umabot ito ng dalawang buong kabanata.
Ang mga salitang ito ng Panginoon sa wakas ng Ebanghelyo na bahagi ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Katunayan, ang mga salitang ito ni Hesus ay tulad ng mga salita sa wakas ng Unang Pagbasa. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa: "Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsasalita, [dahil] doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa" (Sirak 27, 8). Sa mga salitang ito, inilarawan ang ugnayan ng mga salitang binibigkas ng bawat tao at ng laman ng kanilang puso.
Diretsyahang inihayag ni Hesus sa pangaral na ito na hindi maaaring paghiwalayin ang laman ng puso at ang mga salitang binibigkas ng isang tao. Para kay Hesus, ang laman ng puso ng isang tao ay nahahayag sa kanyang mga salita. Ang nilalaman ng puso ng isang tao at ang mga salitang kanyang binibigkas ay magkaugnay. Ang mga salitang namumutawi mula sa bibig ng bawat tao ay sumasalamin sa nilalaman ng kanilang puso. Ipinapahayag ng bawat tao ang tunay na laman ng kanilang mga puso gamit ang kanilang mga salita.
Hindi lalayo ang ginawa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita siya tungkol sa tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Nahayag sa pamamagitan nito ang tunay na nilalaman ng puso ni Apostol San Pablo. Ang tunay na nilalaman o nasa kaloob-looban ng puso ni Apostol San Pablo ay walang iba kundi si Kristo. Isang patunay nito ay ang kanyang walang sawang pangangaral tungkol kay Kristo mula sa sandali ng pagkahirang sa kanya bilang apostol at misyonero, kahit na buong sigasig niya inusig ang mga unang Kristiyano dati.
Tinatanong tayo ngayong Linggo - sino (o ano) ang laman ng ating mga puso?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento