Sabado, Pebrero 26, 2022

ANG ATING TUGON

25 Marso 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 11, 26-38 



Isang mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang ginugunita at ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ginugunita sa masayang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Tinanggap ni Maria ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Niloob ng Diyos na ang Mahal na Birheng Maria ay maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus na Kanyang Bugtong na Anak. Ang tugon ni Maria sa kalooban ng Diyos ay "Oo." Ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos na humirang sa kanya sa lahat ng mga babae. 

Ang kaganapang ginugunita sa maringal na Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay isinalaysay sa Ebanghelyo para sa nasabing Pista. Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos. Ang kanyang tugon sa kalooban ng Diyos ay "Oo." Ang "Oo" ng Mahal na Ina ay sagisag ng kanyang pagtalima at pagsuko sa Diyos. Isinasantabi ng Mahal na Birhen ang kanyang mga binuong plano para sa kanyang sarili upang ang kalooban ng Diyos ay matupad. Ang "Oo" ni Maria sa kalooban ng Diyos ay taos-puso at kusang-loob. 

Niloob ng Diyos na matupad sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ang propesiyang inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Propeta Isaias sa kanyang propesiya na isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Niloob ng Diyos na si Maria na isang simpleng dalaga mula sa Nazaret ay gumanap sa dalagang tinukoy sa propesiya ni Propeta Isaias. Sa kabila ng bigat ng papel na ito, taos-puso pa ring ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos. Buong kababaang-loob niyang piniling tanggapin at tuparin ang tungkuling bigay sa kanya ng Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong si Hesus ay tumalima nang buong kababaang-loob sa kalooban ng Ama. Ipinasiya ni Hesus na ibigay ang Kanyang taos-pusong pag-"Oo" sa kalooban ng Ama. Tulad ni Maria, ipinasiya ni Hesus na mangyari ang niloob ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundo - upang matupad sa pamamagitan Niya ang kaligtasan ng sangkatauhang niloob ng Diyos. Si Hesus ay dumating upang iligas sa sangkatauhan dahil niloob ito ng Ama. 

Lagi tayong tinatanong araw-araw: ibibigay ba natin sa Diyos ang ating "Oo?" Ano ang ating tugon sa kalooban ng Diyos? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento