2 Marso 2022
Miyerkules ng Abo
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang panawagan ng Simbahan sa tuwing sasapit ang Kuwaresma taun-taon ay hindi nagbabago. Ang laging panawagan ng Simbahan sa lahat ng mga mananampalataya sa tuwing sasapit ang apatnapung araw na ito ay magbalik-loob sa Diyos. Bagamat lagi naman ito ang panawagan ng Simbahan sa mga mananampalataya anuman ang oras, panahon, o taon, lalo itong binibigyan ng pansin tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sa unang araw ng panahon ng Kuwaresma, ang Miyerkules ng Abo, ang lahat ng mga mananampalataya ay pinaaalalahanan tungkol sa katotohanan ng ating buhay. Ang bawat isa sa atin ay mga mortal na tao lamang. Sa mundong ito, walang imortal na tao. Ang buhay ng bawat tao dito sa mundo ay pansamantala lamang. May wakas o katapusan ang ating buhay dito sa mundo. Sa madaling salita, mamamatay rin tayo pagdating ng panahon. Masakit man sabihin ito, subalit iyan ang katotohanan. Iyan ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa ating buhay. Memento mori.
Kaya naman, isa sa dalawang talata mula sa Banal na Kasulatan ang sinasabi ng pari sa bawat mananampalataya sa Rito ng Paglalagay ng Abo. Ang isa sa mga talatang maaaring sabihin ng pari sa ritong ito ay mula sa isa sa mga pangaral ng Panginoong Hesukristo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 15). Ang isa naman ay mula naman sa Matandang Tipan: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). Iyan ang muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Miyerkules ng Abo na unang araw ng panahon ng Kuwaresma.
Ito ang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nakiusap ang Diyos sa Kanyang bayan na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi dapat patagalin ang pakikipagkasundo sa Diyos. Habang ang bawat isa sa atin ay mayroong hininga pa, dapat tayong magbalik-loob sa Diyos. Sa Ebanghelyo, idiniin ni Hesus sa bahaging ito ng Kanyang pangaral na dapat maging taimtim at taos-puso ang bawat gawa sa pamamanata sa Diyos - pananalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa.
Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisiuway" (50, 3a). Ang Diyos ay puspos ng awa. Katunayan, ang Diyos mismo ay ang bukal ng awa. Ang Kanyang awa ay hindi Niya ipagkakait sa sinumang dudulog sa Kanya upang hingin nito nang taos-puso. Maging taimtim at taos-puso sa paghingi ng awa at habag mula sa Diyos. Ipagkakaloob Niya ito sa atin.
Memento mori. Mamamatay rin ang bawat isa sa atin balang araw. Habang mayroon pa tayong hininga, maglakbay tayo kasama ni Kristo. Sa ating paglalakbay kasama ni Kristo, mahanap natin muli ang katotohanan tungkol sa atin. Bagamat pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo at babalik sa lupa sa katapusan nito, inangkin tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Hesus. Maantig nawa ang ating mga puso sa katotohanang ito at pumukaw sa atin na taos-pusong bumalik sa Diyos na handang ipagkaloob ang Kanyang awa at habag sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento