13 Marso 2022
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1 (o kaya: 3, 20-4, 1)/Lucas 9, 27-38
Bagamat itinatampok sa Ebanghelyo para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ang binibigyan ng pansin ay ang Kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa loob ng apatnapung araw ng panahon ng Kuwaresma, pinaghahandaan natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na kung wala ang Krus ni Hesus, walang Muling Pagkabuhay. Hindi magkahiwalay ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Magkaugnay ang dalawang ito.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa mangyayari sa mga mananatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Sabi ni Apostol San Pablo na bibigyan sila ng isang panibagong katawan. Ang kanilang katawan ay magiging maluwalhati at dakila katulad ni Kristo (Filipos 3, 21). Ang dahilan kung bakit iyon ang gantimpalang kanilang tatanggapin pagdating ng araw ay dahil nakamit ni Kristo ang kaluwalhatian at tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ni Hesus ang kaluwalhatiang ito sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabagong-Anyo.
Katunayan, ito ang pinag-usapan nina Hesus, Moises, at Elias sa sandaling iyon. Ang pagkamit ng tagumpay at kaluwalhatian ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay ay ang paksa ng Kanyang usapan kila Moises at Elias. Ito ay isang napakahalagang detalye sa salaysay ni San Lucas tungkol sa kaganapang ito sa buhay ni Hesus. Tanging si San Lucas lamang ang nagbanggit nito sa mga sinotikong manunulat ng Mabuting Balita. Sa pamamagitan nito, isinalungguhit ni San Lucas ang ugnayan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo.
Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Abraham na noon ay tinawag na Abram. Ipinangako Niya kay Abraham na magmumula sa kanya ang isang napakalaking lahi. Magiging kasindami ng mga bituin sa langit ang magiging anak at apo ni Abraham (Genesis 15, 5). Kung paanong ang Diyos ay nangako kay Abram na mas kilala ngayon bilang si Abraham na magkakaroon siya ng maraming anak at apo, gayon din naman, ipinangako Niya sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na walang iba kundi si Kristo Hesus na masasaksihan ng tanan ang kaligtasan dulot ng Kanyang tagumpay at kaluwalhatian.
Ang pangako ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ay muling ipinapaalala sa atin sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Ang pangakong ito ay ang biyaya ng kaligtasang dulot ng tagumpay at kaluwalhatian ng Diyos na nakamit at nasaksihan ng lahat sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sa Krus Mo at Pagkabuhay, kami'y tinubos Mong tunay. Poong Hesus, naming mahal, iligtas Mo kaming tanan ngayon at magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento