22 Pebrero 2022
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19
Marahil marami ang magtataka kung bakit naglaan ang Simbahan ng isang araw para sa pagdiriwang ng isang luklukan o upuan. Kung tutuusin, ang araw na ito ay maaari namang tawaging "Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa." Kung tutuusin, iyon naman talaga ang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito, hindi ba? Ano nga ba ang mayroon sa isang luklukan? Bakit hindi na lamang tawagin ang araw na ito bilang Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa?
Hindi naman ang literal na luklukan o upuan ang binibigyan ng pansin sa araw na ito kundi ang pagiging Unang Santo Papa ng Simbahan ni Apostol San Pedro. Isa lamang sagisag ng pagiging Santo Papa ni Apostol San Pedro ang luklukan. Hindi naman ang literal na luklukan ang ginugunita. Bagkus, ang luklukan ay tumutukoy sa posisyon at misyon ni Apostol San Pedro bilang Unang Santo Papa ng Simbahang na itinatag ni Kristo mismo. Katunayan, ang misyong ito ni Apostol San Pedro ay ibinigay sa kanya ni Kristo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagkahirang kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang itinatag ni Kristo.
Ang pagiging unang Santo Papa ni Apostol San Pedro ay isang biyayang ipinagkaloob mismo ni Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Santo Papa ay ipinagkaloob ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging Kanyang kinatawan o bikaryo. Bilang kinatawan o bikaryo ni Kristo dito sa mundo, tungkulin ng Santo Papa na pangasiwaan at alagaan nang may pag-ibig at katapatan ang kawan ni Kristo dito sa mundo. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay akayin ang kawan ni Hesus patungo sa Kanya. Dapat rin silang maging salamin ng Mabuting Pastol na walang iba kundi si Hesus.
Kaya naman, ang mga salita ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay maituturing na isang pakiusap o habilin para sa lahat ng mga hahalili sa kanya bilang Santo Papa ng Simbahan. Hindi lamang niya ito isinulat para sa mga kasama niya sa misyon ng pagpapalaganap ng Magandang Balita kundi para na rin sa mga papalit sa kanya bilang Santo Papa at ang mga hahalili sa iba pa niyang mga kasama. Ang kanyang pakiusap ay alagaan ang kawang ipinagkatiwala ng Panginoon (1 Pedro 5, 2). Ang kawan ay hindi kanila kundi kay Kristo. Ang tungkulin ng Santo Papa, ng mga obispo, at mga pari ay maging mabuting tagapangasiwa at pastol.
Isang biyaya mula sa Panginoong Hesukristo ang Luklukan ni Apostol San Pedro. Sa pamamagitan nito, ipinaaalala ni Hesus na hindi Niya tayo pababayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento