Huwebes, Marso 3, 2022

ANG DIYOS NA NAGAGALAK

27 Marso 2022 
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
"Linggo ng Laetare" 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-31 



Bagamat inilaan ng Simbahan ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala bilang panahon ng Kuwaresma para sa taimtim at taos-pusong pagbabalik-loob sa Diyos, ang mga Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito ay tungkol sa pagdiriwang at kagalakan. Ito ay dahil ang Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare." Sa Tagalog, ang ibig sabihin ng salitang "Laetare" ay "Kagalakan." Dahil diyan, maaaring gamitin ang kulay rosas sa liturhiya sa araw na ito. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ginunita ng mga Israelita sa labas ng lungsod ng Jerico kung paano sila iniligtas at pinalaya ng butihing Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinagdiriwang nila ang Paskuwa. Buong galak nilang ipinagdiwang ang Paskuwa sapagkat hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Panginoon para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtubos at pagpalaya sa mga Israelita noong gabi ng unang Paskuwa, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang awa para sa kanila. Ang awa ng Diyos ay naghatid ng galak sa Kanyang bayan. 

Hindi lamang ang galak na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao dahil sa Kanyang awa ang binibigyan ng pansin. Sa Linggong ito, binibigyan rin ng pansin at pinagninilayan kung paanong ang Diyos ay nagagalak. Ito ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa at sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Kapag may mga nagtitika nang taos-puso at nang buong kababaang-loob, nagagalak ang Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pakiusap ni Apostol San Pablo ay makipagkasundo sa Diyos (5, 20). Ang mga nagbabalik-loob sa Diyos nang buong kababaang-loob ay naghahatid ng tuwa sa Kanya. 

Kung paanong ang ama sa Talinghaga ng Alibughang Anak na isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagalak noong bumalik ang anak niyang ito, ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob sa mga taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanyang pag-ibig at awa. Hindi Niya ipagdadamot ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Katunayan, katulad ng ama sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo, ang Diyos ay laging naghihintay at nakaabang sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan. Lagi Niyang hinihintay ang araw o sandali ng pagtika ng mga makasalanan. Ayaw Niya silang mapahamak. Nais Niya silang maligtas. 

Inilaan ang panahon ng Kuwaresma para sa taos-pusong pagtitika. Sa Linggong ito, ang dahilan kung bakit ay nahayag sa atin. Nagagalak ang Diyos sa mga nagpasiyang magtika. Ang Diyos ay nagagalak sa tuwing may mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang sandali o araw ng ating pagbabalik-loob ay lagi Niyang hinihintay. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga nagtitika nang taos-puso bilang tanda ng Kanyang galak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento