Biyernes, Marso 11, 2022

HINDI MANHID ANG DIYOS

UNANG WIKA (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

Unidentified painter (Flemish School), The Raising of the Cross (Public Domain)

Minsang nasabi ni Hesus sa isa sa Kanyang mga pangaral sa mga tao na "kung ano ang bukambibig [ay] siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Nasaksihan ito sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Katunayan, bago pa man Siya nakarating sa bundok ng Kalbaryo, narinig ni Hesus ang laman ng puso ng maraming tao. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, narinig Niya ang walang tigil na paglibak ng Kanyang mga kaaway. Mula sa sandali ng pagadakip sa Kanya sa Halamanan ng Hetsemani, puro paglibak at pagkutya lamang ang narinig ng Panginoong Hesukristo. Sinulit nila ang bawat pagkakataon upang saktan si Hesus. Ang kanilang pananakit kay Hesus ay 'di lamang pisikal. Bagkus, pati ang damdamin ni Hesus ay sinaktan nila.

Kung tayo ang nasa posisyon ni Hesus, hindi tayo papayag na kutyain at saktan na lamang tayo ng ating mga kaaway. Makikipaglaban tayo. Makikipagsabayan tayo sa paglibak at pananakit. Kukutyain rin natin at sasaktan ang ating mga kaaway. Handa tayong gawin ang lahat upang maipagtanggol ang ating dangal na pilit niyuyurakan ng ating mga kaaway. Hindi tayo papayag na basta na lamang ganyanin ang ating dangal bilang tao. Gagawin natin ang lahat para lamang makapaghiganti. Tiyak na mapapadali ang ating paghiganti sa kanila kung mayroon tayong Death Note tulad ni Light Yagami dahil mamamatay sila kapag naisulat natin ang kanilang mga pangalan sa nasabing kuwaderno. Kung may kani-kaniyang Death Note ang bawat isa sa atin tulad ni Light Yagami, mapapabilis ang ating paghiganti laban sa ating mga kaaway. 

Subalit, bagamat Diyos si Hesus at kaya Niyang gawin kung ano ang Kanyang naisin, wala Siyang ginawa upang mapahamak at malipol ang Kanyang mga kaaway. Hindi binalak ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang saktan o kaya naman lipulin ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang kapangyarihan ang Panginoong Hesus na gawin iyan dahil Diyos naman Siya. Subalit, ipinasiya ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang magpatawad. Ipinasiya Niyang ipanalangin ang Kanyang mga kaaway upang maranasan nila ang habag at kapatawaran ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, si Hesus ay nagpasiyang magpakita ng awa sa mga kaaway. Iyan ang ganti ni Hesus. 

Huwag nating kakalimutan na si Hesus ay labis na nasaktan noong sinambit Niya ang mga salitang ito ng pananalangin sa Ama. Napakalinaw naman ng pisikal na sakit sa Kanyang Katawan. Subalit, hindi lamang Siya nasaktan dahil sa latigo, sa koronang tinik, sa bigat ng krus, at mga pako. Nasaktan rin Siya dahil sa mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway. Ang mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway sa mga sandaling iyon ay naghatid ng matinding sakit sa Kanyang puso. Subalit, ipinasiya pa rin ni Hesus na manalangin para sa Kanyang mga kaaway. 

Itinuro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito na pati ang Diyos ay nasasaktan. Sa mga sandaling iyon, tiyak na nahirapan si Hesus sa pagpapatawad. Kaya, sa halip na tuluyang mapahamak ang Kanyang mga kaaway, ipinasiya Niyang manalangin para sa kanila. Patunay lamang ito na hindi manhid ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ay nakakaramdam rin ng sakit. Subalit, sa kabila ng matinding sakit dahil paulit-ulit na lamang nagkakasala laban sa Kanya ang tao, ipinasiya pa rin Niyang magpakita ng awa sa kanila. Tao na mismo ang magpapasiya kung hahayaan nilang baguhin sila ng Diyos na puspos ng awa at kapatawaran. 

Ang Diyos ay hindi manhid. Hindi porke't Diyos Siya, hindi na Siya nakakaramdam ng sakit. Alam Niya kung ano ang nararamdaman ng mga nasasaktan. Pinatunayan ito ng nakapako sa krus na si Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, niloob ng Diyos na dumanas Siya ng matinding sakit dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento