IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"Naganap na!"
Cristo en la Cruz (Museo de Bellas Artas de la Coruña), attributed to Nicolas Borras (Public Domain)
計画通り (Hiragana: けいかくどおり; Romaji: Keikaku Doori). Ang mga salitang ito ay nasabi ni Light Yagami matapos siyang maging matagumpay sa kanyang planong linlangin si L Lawliet at ang ilan sa mga pulis na nais mahuli si "Kira." Nasabi niya ito nang mabawi niya ang Death Note, gaya ng kanyang naiplano. Ang kanyang plano ay bitiwan ang Death Note upang hindi siya masuspetsyahan siya ang mamamatay-taong si Kira. Kalaunan, ang Death Note ay nabawi ng task force mula sa isang taong gumamit nito. Nang mahawakan muli ni Light, na noo'y bahagi na ng task force, ang Death Note, bumalik ang kanyang mga alaalang bilang si Kira. Bukod pa roon, hindi siya pinagdudahan ng mga autoridad, maliban na lamang kay L.
Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus ay maituturing na Kanyang bersyon ng 計画通り. Ang ibig sabihin ng 計画通り sa Ingles ay "Just as planned." Sa Tagalog naman, ang ibig sabihin nito ay "Gaya ng naiplano." Inihayag ng Panginoon sa wikang ito ang katuparan ng isang plano. Ang planong natupad ay ang planong binuo ng Banal na Santatlo. Sa pamamagitan ng Anak na si Hesus, tutubusin ng Diyos ang sangkatauhan. Sa kabila ng pagiging masuwayin ng sangkatauhan, ipinasiya pa rin ng Diyos na dumating sa mundo bilang Tagapagligtas sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Binalak ni Light Yagami ng Death Note na maging diyos o bathala ng tinawag niyang panibagong mundo. Ang batas na nais niyang pairalin ay ang sarili niyang batas kung saan laganap ang sindak at karahasan. Bilang si Kira, binalak ni Light na gumamit ng kapangyarihan upang pumatay ng mga kriminal. Hindi niya pinahalagahan ang buhay ng tao. Katunayan, hindi siya nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa bawat tao upang magbagong-buhay. Dahas at sindak ang nais niyang pairalin.
Dumating si Hesus sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan. Niloob Niyang maging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa krus. Batid ng Panginoon ang kasaysayan ng sangkatauhan. Batid Niya kung paanong nalugmok ang sangkatauhan mula noong nilabag nina Adan at Eba ang utos ng Diyos sa Halamanan ng Eden. Ang sangkatauhan ay laging sumusuway sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang paulit-ulit na pagkakasala laban sa Kanya. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ni Kristo na iligtas ang sangkatauhan. Hindi Niya binalak mapahamak ang sangkatauhan. Nais Niyang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na ialay ang buo Niyang sarili sa krus. Namatay Siya alang-alang sa atin.
May mga taong tulad ni Light Yagami na may balak maging diyos o bathala. Subalit, pinili ng tunay at kaisa-isang Diyos na maging isang tao sa pamamagitan ni Hesus alang-alang sa atin. Kung binalak ng mga katulad ni Light Yagami na pumatay ng tao, binalak naman ng Diyos na magligtas ng tao. Sa pamamagitan ni Hesus, ang planong ito ay Kanyang tinupad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento