10 Abril 2022
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K)
Lucas 19, 28-40 [Pagbabasbas ng mga Palaspas]
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)
Pieter Coecke van Aelst - Intocht in Jeruzalem (Ang Pagpasok ni Kristo sa Herusalem - Public Domain)
Ginugunita sa Linggong ito ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Sa Linggong ito, sinisimulan natin ang mga Mahal na Araw. Ang sanlinggong ito ay inilaan para sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na kilala rin sa tawag na Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal, ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa sangkatauhan ay nahayag. Tiyak na batid na natin ang katotohanang ito dahil ilang ulit na natin itong napapakinggan.
Hindi lamang "Linggo ng Palaspas" ang tawag sa Linggong ito. Ang buong pangalan ng Linggong ito ay "Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon." Isa itong pahiwatig kung ano ang pagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Hindi lamang nakatutok sa mga palaspas ang Simbahan sa Linggong ito. Nakatutok rin sa Misteryo Paskwal ni Kristo ang Simbahan sa araw na ito. Katunayan, ang palaspas at ang krus ni Kristo ay magkaugnay. Sinasagisag ng palaspas ang pagdating ni Kristo bilang Haring magkakaloob ng kaligtasan. Iyan ang dahilan kung bakit may dalawang Ebanghelyo sa araw na ito.
Dalawang sigaw ang itinampok sa dalawang Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang unang sigaw ay "Osana sa Anak ni David!" Ito'y sigaw ng pagkilala at pagtanggap. Ito ang sigaw na narinig ni Hesus noong pumasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno. Binigyan Siya ng pugay ng mga tao sa araw na iyon. Ang ikalawang sigaw naman ay "Ipako sa krus!" Ito'y sigaw ng pagkutya, di-pagtanggap, at kapootan. Ang sigaw na ito ay narinig ni Hesus mula sa mga tao nang iharap Siya ni Poncio Pilato sa kanila. Tanda ito na isinusuka nila si Hesus at nais nilang ipapatay.
Batid na iyan ng Panginoong Hesukristo bago Siya pumasok sa Herusalem. Subalit, ipinasiya pa rin Niya dumating na nagtataglay ng kaamuan at kababaang-loob. Hindi pumasok sa Herusalem si Kristo Hesus bilang isang haring mamumuno na may bakal na kamay. Maaari naman Niya itong gawin dahil Siya naman ang tunay na Hari, kung hinangad Niya iyon. Subalit, ipinasiya pa rin ng tunay na Haring si Hesus na pumasok sa Herusalem bilang isang lingkod na magbibigay ng buong sarili. Ang mga bunga ng kaamuan at kababaang-loob ni Kristo Hesus ay kaligtasan, tunay na kapayapaan, at tunay na kagalakan.
Sa pamamagitan ng kaamuan at kababaang-loob na ipinakita ng Panginoong Hesus mula noong pumasok Siya nang matagumpay sa Herusalem hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus sa Kalbaryo, natupad ang propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos sa Unang Pagbasa. Ang mga salitang ito ni Isaias ay ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sabi sa Ikalawang Pagbasa, tinupad ni Hesus ang Kanyang misyong ito nang may kababaang-loob. Ito ang nais ipahiwatig ng pagpasok ni Hesus. Sa kabila ng mga pagpupugay ng mga tao sa Kanya habang pumapasok sa Herusalem, nanatili pa rin Siyang maamo at mababang-loob.
Magkaugnay ang palaspas at ang krus. Itinuturo tayo ng mga palaspas sa sagisag ng ating kaligtasan: ang krus ng Panginoong Hesukristo. Tayong lahat ay pinaalalahanan ng mga palaspas na ito na hindi tayo iniligtas ng kamay na bakal. Bagkus, iniligtas tayo ng kamay na maamo at mababaang-loob. Iyan ang Kamay ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento