12 Abril 2022
Martes Santo ng mga Mahal na Araw
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38
Dalawang kaganapan mula sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus ang pinagtutuunan ng pansin sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Martes Santo taun-taon: ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pakaila ni Apostol San Pedro. Hindi isinalaysay ang dalawang kaganapang ito sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Subalit, itinampok sa Ebanghelyo ang pahayag ni Hesus tungkol sa dalawang sandaling ito. Alam ng Panginoong Hesus na mangyayari ang mga ito.
Ipinapakita ng pahayag ni Hesus tungkol sa dalawang kaganapang ito bago pa man maganap ang mga ito na nababatid Niya kung ano ang sinisigaw ng puso. Si Hesus ay hindi malilinlang o maloloko. Hindi Siya masisilo ng mga mabulaklak na salita. Batid ni Hesus ang katotohanan, kahit subukan pa itong takpan. Malinaw ito sa Kanyang sagot kay Apostol San Pedro. Kahit na ipinangako ni Apostol San Pedro na hindi niya tatalikuran ang Panginoon, batid ni Hesus na ang mga salitang binigkas ng puso ni Apostol San Pedro ay taliwas sa mga salitang kanyang binigkas gamit ang bibig. Ito rin ang Kanyang ipinakita nang bigyan Niya ng tinapay si Hudas Iskariote. Sa kabila ng pagiging tahimik ni Hudas, alam ni Hesus kung ano ang sinasabi ng kanyang puso.
Hindi bago ang paghirang ng Diyos sa mga lingkod. Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa paghirang ng Panginoong Diyos sa Kanyang lingkod. Sa Bagong Tipan, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay humirang ng mga apostol. Subalit, ang paghirang sa kanila ng Diyos ay hindi nangangahulugang wala na silang mga kahinaan. Mayroong mga pagkakataon kung saan binibigo nila ang Diyos. Katulad na lamang nina Apostol San Pedro at ni Hudas Iskariote sa Ebanghelyo. Binigo pa rin nila si Hesus, kahit na ipinangako nila na ibibigay nila sa Kanya ang kanilang katapatan. Nababatid ni Hesus ang katotohanang ito, kahit na subukan pa nila itong itago.
Wala tayong maitatago kay Kristo. Hindi lamang Niya pinapakinggan at nababatid ang mga binibigkas ng ating mga labi. Bagkus, ang isinisigaw ng ating mga puso ay Kanya ring pinapakinggan at nababatid.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento