Linggo, Marso 13, 2022

WALANG HADLANG SA PAG-IBIG

IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27): 
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!" 

Albrecht Altdorfer, Christ on the Cross with Mary and John (Public Domain)

Tinalakay sa pelikulang Maquia: When the Promised Flower Blooms ang pag-ibig ng isang ina para sa kanyang anak. Ang anime na pelikulang ito ay nakasentro sa isang batang babaeng nagngangalang Maquia na nagmula sa Iorph. Sa Iorph, nakatira roon ang mga nilalang na namumuhay sa loob ng napakahabang panahon. Dahil dito, hindi sila bumubuo ng mga ugnayan sa tao. Mauunang mamamatay ang mga tao kaysa sa kanila. Sa kabila ng kanyang lahi at pagiging bata, ipinasiya ni Maquia na maging ina ng isang batang lalaking ipinangalan niyang Ariel. Maraming hinarap na pagsubok at hamon si Maquia sa kanyang buhay noong tumayo siyang ina ni Ariel. Subalit, hindi pinagsisihan ni Maquia na mahalin si Ariel bilang kanyang anak sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba (si Ariel ay tao habang si Maquia ay taga-Iorph). 

"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina" (Juan 19, 25-27). Ang mga salitang ito ay binigkas ni Hesus nang Kanyang makita ang Kanyang inang si Mariang Birhen at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus ang pagdurusa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik na nakiisa si Maria sa pagdurusa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ng Birhen ang kanyang pagmamahal para kay Hesus. Tunay na minahal ni Maria si Hesus bilang isang anak. Sa kabila ng pagiging Diyos ni Hesus at ang pagiging isang tao ni Maria, hindi ito naging hadlang para sa kanya upang ibigin ang Panginoon bilang anak. Ang Mesiyas na si Hesus ay inibig ni Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan.

Minahal rin ni Hesus si Maria bilang Kanyang Ina. Bagamat alam ni Hesus na Siya ang tunay na Diyos habang si Maria naman ay isang simpleng babae mula sa Nazaret, hindi ito naging hadlang para kay Hesus na mahalin si Maria bilang Kanyang Ina. Ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesus ay hindi naging hadlang para sa Kanya na ibigin ang Mahal na Birheng Maria bilang Kanyang Ina. Kung paanong si Hesus ay minahal ng Birheng Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan, inibig rin siya ni Hesus bilang Kanyang Ina nang buong katapatan.

Sa sandaling ito na puno ng kadiliman at hapis, pinatunayan nina Hesus at Maria na tunay ang kanilang pag-ibig para sa isa't isa. Sa mga sandaling ito, nanatili sa tabi ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria. Kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus, mapapansin natin na isang lalaki lamang - ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan - ay nanatili sa Kanyang tabi sa mga sandaling iyon. Ang ibang mga nanatili sa tabi ni Kristo ay mga babae. Isa sa mga babaeng ito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Sa pamamagitan ng pananatili sa tabi ni Hesus hanggang sa pagkamatay Niya sa krus, ipinakita ng Mahal na Birhen ang kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak. Iyan ang dahilan kung bakit siya nanatili sa tabi ni Kristo, kahit napakasakit itong makita. 

Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus si Maria sa paanan nito. Nang makita ng Panginoong Hesus mula sa krus ang Mahal na Birhen, nakita Niya kung paanong tahimik na nakiisa sa Kanyang pagdurusa ang Mahal na Birhen. Nakita ni Hesus kung paanong nanatili sa Kanyang tabi nang buong katapatan ang Mahal na Ina. Tiyak na sinariwa rin ni Hesus sa mga sandaling ito kung paanong si Maria ay inalagaan Niya matapos mamatay si San Jose. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni Hesus kay Apostol San Juan ang Mahal na Inang si Maria. Dahil ang Mahal na Ina ay tunay ngang inibig ni Hesus bilang Kanyang Ina, ipinagkaloob siya ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging kanya ring Ina. Dahil sa pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa kanya, binigyan siya ng karangalan ni Kristo upang maging ina ng Simbahan. 

Itinuturo sa wikang ito ni Hesus kung bakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging Ina ng Simbahan. Walang naging hadlang para sa Mahal na Birhen na umibig bilang Ina. Hindi naging hadlang ang pagka-Diyos ni Hesus o ang mga pagkutya ng mga tao sa Kanya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Nanatili siyang tapat sa kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Mahal na Ina ay hindi pumayag na may pipigil o hahadlang sa kanya upang ibigin si Hesus bilang kanyang Anak. Katulad ni Hesus, ipinasiya ni Maria na umibig nang tapat at totoo bilang Ina. Kaya naman, ibinigay ni Hesus si Maria sa Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento