IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28):
"Nauuhaw Ako!"
"I want to change the world, 疾風(かぜ)を駆け抜けて 何も恐れずに いま勇気と笑顔のカケラ抱いて"* (English: I want to change the world, piercing through the gales, unafraid of anything. Now I hold my courage and pieces of my smile). Para sa mga bata noong dekada '90 at 2000, tiyak na magiging pamilyar ang mga titik at tono ng awiting ito. Ang mga salitang ito ay ang mga unang titik ng unang panimulang awit ng InuYasha, isa sa mga masisikat na seryeng anime na ipinalabas sa telebisyon sa pamamagitan ng ABS-CBN noong dekada 2000. Inilalarawan sa titik ng Hapones na kantang ito ang hangarin ng isang tao na baguhin ang mundo. Ang taong ito ay may motibasyon na baguhin ang mundo kapag kasama niya ang kanyang sinisinta. Kung siya'y kapiling ng kanyang sinisinta, naniniwala siyang marami siyang kayang gawin.
Motibasyon. Hangarin. Ito ang inilalarawan ng mga titik ng nasabing awitin. Madalas talakayin ng maraming anime ang temang ito. Bukod sa InuYasha, tinalakay rin sa isa sa mga masisikat na anime sa kasalukuyang panahon, ang My Hero Academia at ang Kimetsu No Yaiba (Demon Slayer) ang temang ito. Ang bida ng My Hero Academia na walang iba kundi si Izuku Midoriya na kilala rin sa palayaw na Deku ay mayroong hangaring maging isang superhero. Sa Kimetsu naman, ang motibasyon ni Kamado Tanjiro ay hanapin ang halimaw na pumatay sa kanyang pamilya, liban na lamang sa isa niyang kapatid na si Nezuko na naging halimaw rin.
Hindi lamang tayo makakakita o makakapanood ng mga taong may mga hangarin o motibasyon sa mga anime lamang. Nakikita rin ito sa totoong buhay. Hangad ng mga estudyante na makatapos sa pag-aaral. Hangad ng mga nagtatrabaho na bigyan ng isang magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Ang mga hangaring ito ng mga tao ang nagbibigay sa kanila ng motibasyon upang maging masipag at matiyaga.
Si Hesus ay mayroon ring hangarin. Inihayag Niya sa wikang ito ang Kanyang hangad, ang nagbigay sa Kanya ng motibasyon. Nasasaad sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Juan kung bakit ang mga salitang ito ay Kanyang binigkas habang nakapako sa krus. Sabi ni San Juan na binigkas ito ni Hesus "bilang katuparan ng Kasulatan" (19, 28). Iyon ang hangarin ng Panginoong Hesus - tuparin ang mga nasasaad sa Banal na Kasulatan. Sa Banal na Kasulatan, ang Poong Diyos ay nagbitiw ng pangako sa Kanyang bayan. Ipinangako ng Panginoong Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa kabila ng kanilang pagsuway sa Kanya.
Bago Siya dakipin ng mga kawal sa Halamanan ng Hetsemani, sinabi ng Panginoon kay Apostol San Pedro na binigyan Siya ng Ama ng saro ng paghihirap na kinailangan Niyang inumin (Juan 18, 11). Ang saro ng paghihirap na ito ay tumutukoy sa biyayang ipinangako ng Diyos - ang biyaya ng Kanyang pagliligtas na inihayag noon pa mang una sa mga Banal na Kasulatan. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos, natupad ang pangakong ito.
Nasilayan naman ng Diyos mula sa langit kung paanong hindi naging tapat sa Kanya ang Kanyang bayan. Dahil sa paulit-ulit na pagsuway ng Kanyang bayan, maaaring ipawalang-bisa ng Diyos ang pangakong ito. Subalit, sa kabila nito, nanatili pa rin ang pagiging pursigido ng Panginoong Diyos. Ang Panginoong Diyos ay may motibasyon upang ituloy ang pagtupad sa pangakong ito - ang sangkatauhan. Sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kanya, minahal pa rin Niya sila. Kaya, dumating Siya sa pamamagitan ni Kristo upang tuparin ang pangakong ito.
Kahit hindi tayo karapat-dapat, tayo ang nagbigay ng motibasyon ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na tiisin ang hirap, sakit, at kamatayan sa krus. Alang-alang sa atin, tinanggap Niya ang krus at kamatayan upang tayo'y maligtas sa pamamagitan ng Kanyang Kabanal-Banalang Dugo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento