Lunes, Marso 14, 2022

ANG DIYOS NA NAKAKABATID SA ATING KALAGAYAN

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15,34):
"Diyos Ko! Diyos Ko! Bakit Mo Ako pinabayaan?" 

Hyacinthe Rigaud, Christe expiant sur la croix (French) (Public Domain)

"壊れた 壊れたよ この世界で 君が笑う 何も見えずに" (English: I'm broken, so broken - amidst this world. Yet you laugh, blind to everything). Ang mga salitang ito ay mula sa isang Hapones na awiting pinamagatang "Unravel". Ang nasabing awit ay ginamit bilang panimulang awitin sa mga unang kabanata ng seryeng pinamagatang Tokyo Ghoul. Ang nasabing serye ay isang anime na hango naman sa isang masikat na manga, tulad ng maraming anime.  Ang kuwento ng nasabing anime ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Kaneki Ken na naging isang ghoul. Ang mga ghoul ay mga nilalang na kumakain ng mga tao nang palihim upang mabuhay. Para silang mga zombie at bampira na pinagsama. Maaari rin naman silang uminom ng kape. 

Inilarawan sa mga titik ng panimulang awit ng mga unang kabanata ng Tokyo Ghoul na pinamagatang "Unravel" ang nararamdaman ng isang taong nag-iisa sa kanyang pagdurusa. Wala siyang karamay sa mga sandali ng kadiliman at hapis. Naririnig ng taong inilalarawan sa awiting ito ang tinig ng mga tumatawa. Tila pinagtatawanan siya sa mga madidilim na sandaling ito ng kanyang buhay. Para sa taong ito, walang alam tungkol sa hirap at sakit na kanyang pinagdaanan ang mga panay tawa. Ito ang dahilan kung bakit niya tinawag na "bulag" ang mga taong ito. 

Ang ikaapat na wika ni Hesus mula sa krus ay matatagpuan sa salaysay ng dalawang manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo at San Marcos tungkol sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Sa salaysay ng mga nasabing manunulat ng Ebanghelyo, ito ang mga huling salita ng Panginoon bago Siya nalagutan ng hininga sa krus. Bago sinambit ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang ito, inilarawan ng dalawang Ebanghelistang ito ang pagdilim ng lupain. Sabi ng dalawang manunulat na ito na lumaganap ang dilim sa buong lupain mula tanghali (Mateo 27, 45; Marcos 15, 33). Sa gitna ng kadiliman, binigkas ng Panginoon ang mga salitang ito na siyang mga unang kataga ng Salmo 22. 

Kung tutuusin, ang unang Biyernes Santo ay ang pinakamadilim na araw. Ang araw na iyon ay puno ng kadiliman para sa Panginoon. Bagamat sumikat ang araw noong dinala Siya ng Kanyang mga kaaway na bumuo sa Sanedrin kina Pilato at Herodes at maging sa mga oras na pinasan Niya ang krus patungong Kalbaryo, ang araw na iyon ay puno pa rin ng kadiliman. Ang araw na iyon ay binuo ng mga madidilim na sandali tulad na lamang ng paghagupit sa Kanya sa haliging bato, pagputong ng koronang gawa sa tinik sa Kanyang ulo, pagpasan ng isang mabigat na krus mula sa pretoryo hanggang sa bundok ng Kalbaryo, pagpako sa Kanya sa krus, at ang walang sawang pagkutya ng Kanyang mga kaaway mula sa pretoryo hanggang sa nasabing bundok. Lalo pang nadagdagan ang kadiliman sa araw na ito noong dumilim nang literal ang buong lupain. Talagang puno ng kadiliman ang unang Biyernes Santo. 

Walang kalaban-laban ang Panginoon. Iyon nga lamang, ang Kanyang mga kaaway ay mga walang puso. Ipinasiya nilang magbulag-bulagan sa katotohanan tungkol kay Hesus, kutyain Siya, at pagtawanan Siya. Bago pa man ipinako sa krus si Kristo sa bundok ng Kalbaryo, basag na ang Kanyang Katawan. Tanging mga buto lamang ang nanatiling matatag. Subalit, talagang walang-wala na si Hesus sa mga sandaing iyon. Lalo lamang humina ang Katawan ni Hesus sa mga sandaling iyon. 

Sa mga madidilim na sandaling ito, naaalala ni Hesus ang Ama. Ito ang dahilan kung bakit binigkas ng Panginoong Hesus mula sa krus ang mga salitang ito na siyang mga unang linya ng Salmo 22. Naaalala Niya kung bakit Siya ipinako sa krus. Hindi Niya kinalimutan kailanman ang Amang nagsugo sa Kanya. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi lamang nanalangin sa Ama sa mga sandali ng liwanag at tuwa. Pati na rin sa mga madidilim na sandali, nanalangin Siya sa Ama. Kung paano Siya nanalangin bago dakpin ng Kanyang mga kaaway sa Halamanan ng Hetsemani, muli Siyang tumawag at nanalangin sa Ama habang nakabayubay sa krus. 

Alam ni Hesus ang pakiramdam ng mga walang-wala na. Batid Niya kung ano ang nararamdaman ng mga nag-iisa sa kanilang hapis at pagdurusa. Naranasan Niya ito sa krus. Kadiliman ang nasa Kanyang paligid. Hindi lamang ito ang literal na dilim na bumalot sa buong lupain kundi ang dilim na kaakibat ng Kanyang pagdurusa. Lalo lamang humina ang Kanyang Katawan sa mga sandaling iyon. Alam ng Panginoon kung gaano kasakit ito para sa bawat tao. 

Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na mayroon tayong maaaring lapitan sa mga sandali ng kadiliman at hapis sa ating buhay - ang Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, ang mga sandaling ito ay hinarap, naranasan, at tiniis ng Diyos. Isa lamang itong patunay na karamay natin ang Diyos. Hindi Siya malayo sa atin. Nababatid Niya kung ano ang mga pinagdadaanan at nararanasan natin sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento