Huwebes, Marso 10, 2022

さようなら (ROMAJI: SAYOUNARA)

8 Abril 2022 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
(Viernes de Dolores) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 

Lorenzo Lotto, Christi Abschied von Maria (Public Domain)

Sa wikang Hapones, may iba't ibang salitang ginagamit kapag magpapaalam sa mga kakilala ang isang taong aalis. Isa sa mga salitang ito ay ang salitang じゃあね (Romaji: jaa ne). Ang salitang ito ay ginagamit kapag nagpapaalam sa mga kaibigan at makakaasang muli kayong magkikita sa madaling panahon. Ang isa naman ay しつれいします (Romaji: Shitsureeshimasu). Ginagamit naman ang salitang ito kapag aalis ang isang estudyante mula sa opisina ng isang guro. Ang isang salita naman ay いってきます (Romaji: itte kimasu). Ang salitang ito ay kadalasang ginagamit kapag nagpapaalam ang mga anak sa mga magulang bago pumasok sa eskuwela o kaya kapag mayroon silang pupuntahan kasama ng kanilang mga kaibigan at kakilala. Ang pinakamasikat na salita, さようなら (Romaji: sayounara) ay bihira lamang gamitin dahil masyado itong madamdamin. Kapag ginamit ang salitang ito, ibig sabihin noon, hindi magkikita muli ang mga magkakapamilya, magkakaibigan, o magkakakilala sa loob ng mahabang panahon. Baka nga hindi na sila magkita muli. Kapag nagkita sila uli, tiyak na marami na ang nangyari. Kaya, tanging mga estudyante lamang ang mga gumagamit nito araw-araw kapag magpapaalam sa guro pagkatapos ng klase. 

Tinatawag na "Viernes de Dolores" ang Biyernes bago ang Linggo ng Palaspas. Sa araw na ito, ginugunita natin ang Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat may ibang petsang inilaan ang Simbahan para sa liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita sa Pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria (15 Setyembre), pinahihintulutan pa rin ng Simbahan ang tradisyunal na pagdiriwang na ito sa kasalukuyan upang lalo pa nating maihanda ang ating mga sarili para sa paggunita sa mga Mahal na Araw. 

Magandang pagnilayan sa araw na ito ang pamamaalam ni Hesus sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa pamamaalam ni Hesus kay Maria. Isinalaysay ito sa isang librong isinulat ng isang misteryosong manunulat na tinawag na lamang bilang Pseudo-Buenaventura. Ang nasabing aklat ay inilaan sa pagninilay sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo. Isa sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo na pinagnilayan sa nasabing aklat ay ang Kanyang emosyonal na pamamaalam sa Mahal na Birheng Maria. 

Ang emosyonal na pamamaalam ni Hesus kay Maria bago Niya harapin ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus ay maaari nating ituring na isang uri ng さようなら. Bakit ito isang uri ng さようなら? Isang linggo naman Niya dadanasin at titiisin ang mapait na pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Kung tutuusin, isang araw lamang Niya dadanasin at titiisin ang mga ito. Bakit ito naging さようなら? Hindi naman magtatagal ito. Magkikita naman ulit sina Hesus at Maria, lalung-lalo na pagkatapos ng Kanyang pagtitiis ng hirap, pagdurusa, at kamatayan sa krus. Bakit naman ito naging isang さようなら?

Oo, isang araw lamang titiisin ng Panginoong Hesus ang mga hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus. Subalit, marami na'ng naganap mula sa sandali ng Kanyang pamamaalam sa Mahal na Ina hanggang sa sandali na muli silang magtatagpo. Ayon sa tradisyon, muling nagtagpo si Hesus at ang Mahal na Ina sa daang patungong Kalbaryo. 

Pagdurusa sa kamay ng mga kaaway ang paksang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta Jeremias tungkol sa masamang balak ng kanyang mga kaaway laban sa kanya. Hangad nilang si Propeta Jeremias ay magdusa sa ilalim ng kanilang mga kamay. Sa Ebanghelyo, binalak batuhin ng mga Hudyo si Hesus dahil sa Kanyang pagka-Diyos. Bagamat nabigo ang mga Hudyo sa kanilang balak na batuhin Siya, alam ni Hesus na darating ang panahon na papatayin Siya. Hindi Siya binato hanggang sa mamatay dahil hindi pa dumating ang panahon ng Kanyang pagkamatay sa krus.

Batid ni Hesus na nalalapit na ang sandali ng Kanyang pagkamatay sa krus bilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Dahil dito, si Hesus ay nagpaalam sa Mahal na Birheng Maria. Ang pamamaalam ni Hesus kay Maria ay naging puno ng emosyon dahil sa mangyayari sa muli nilang pagkikita. Kaya naman, ang pamamaalam na ito ni Hesus kay Maria ay maituturing na isang uri ng さようなら. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento