IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso."
Jan Snellinck, The Crucifixion with the Two Thieves (Public Domain)
Isa sa mga masikat na anime na ipinalabas noong dekada '90 ay ang Rurouni Kenshin na kilala rin sa Pilipinas bilang Samurai X. Ang nasabing serye ay nakatutok sa isang dating mamamaslang na nangangalang Himura Kenshin. Noong namumuhay pa siya bilang isang kinatatakutang mamamaslang, kilala siya bilang Hitokiri Battousai. Sa tuwing inuutusan siyang pumatay ng tao, nagagawa niya ito agad noong kilala pa siya bilang Hitokiri Battousai. Subalit, noong ipinasiya niyang talikuran ang pagiging mamamaslang at magbagong-buhay, ginamit ni Kenshin ang kanyang katana hindi upang pumatay ng tao kundi upang ipagtanggol ang mga inosenteng naaapi na hindi pumapatay. Hindi na niya ginamit ang kanyang katana upang pumatay ng tao dahil labis niyang pinahalagahan ang buhay ng bawat tao. Ang masikat na seryeng ito, na hango sa isang masikat na manga, ay mayroong live-action adaptation kung saan ang mga karakter ay ginagampanan ng mga aktor.
Tinalakay sa Rurouni Kenshin ang tema ng pagbabagong-buhay. Ang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Diyos ay ang temang binibigyan ng pansin sa Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus. Ang Ikalawang Wika ng Panginoon mula sa krus ay bahagi ng isang usapan. Isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo ay Kanyang nakausap. Ang salaring ito ay nagpasiyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Sa tradisyon, ang salaring nagpasiyang magtika bago siya mamatay ay kilala sa pangalang Dimas. Sabi rin sa tradisyon na pagnanakaw ang sala ng salaring ito.
Sabi sa Banal na Kasulatan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang kriminal "- isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa" (Juan 19, 18). Narinig ni Hesus ang mga salitang namutawi mula sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya. Subalit, isa lamang sa dalawang ito ay nakausap ni Hesus. Ipinasiya ni Hesus na kausapin at ipangako sa kriminal na ito na makakapasok ito sa Kanyang kaharian sa langit - ang kriminal na buong kababaang-loob na nagtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Narinig rin ni Hesus ang mga salitang binigkas ng salaring hindi nagtika na kilala sa tradisyon bilang si Hestas. Katunayan, nagsalita lamang si Hesus matapos magsalita ang dalawang salarin. Subalit, hindi Niya kinausap si Hestas. Wala Siyang sinabi kay Hestas sapagkat ipinasiya ng salaring ito na maging matigas ang puso. Ipinasiya ng salaring ito na isara ang kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos. Malinaw naman ito kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng sandaling ito. Ipinasiya niyang makisabay sa pagkutya kay Hesus. Sabi niya kay Kristo: "Iligtas Mo ang Iyong sarili at pati na rin kami, kung Ikaw talaga ang ipinangakong Mesiyas" (Lucas 23, 39). Sa mga katagang ito ni Hestas, napakalinaw na wala siyang balak magtika. Katunayan, hindi lamang isinara ang kanyang puso. Ipininid pa nga niya ito.
Kung ipinasiya ni Hestas na isara at ipinid ang pintuan ng kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos, ibinukas naman ni Dimas ang pintuang ito. Maliwanag naman ito sa hiling niya kay Hesus: "Hesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na" (Lucas 23, 42). Sa mga salitang ito, ipinakita ni Dimas ang kanyang pagiging bukas sa biyaya ng Diyos. Dahil sa Panginoon, ang salaring si Dimas ay napukaw na ibukas ang kanyang puso at tanggapin ang biyaya ng pag-ibig at awa ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya niyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo kasama si Kristo.
Dalawang aral ang nais ituro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito. Una, may pag-asa para sa bawat isa sa atin habang namumuhay pa tayo sa mundong ito. Habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa mundo, mayroon tayong pag-asa upang talikuran ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Habang may buhay, huwag natin aksayahin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa atin upang makipagkasundo sa Kanya. Pangalawa, ang ating taos-pusong pagtitika ay Kanyang pakikinggan. Pinakikinggan naman Niya ang lahat. Subalit, ang mga nagbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso ay mas pagtutuunan Niya ng pansin. Natutuwa nang labis-labis ang Diyos sa mga taos-pusong nagbabalik-loob sa Kanya.
Habang namumuhay pa tayo dito sa lupa, patuloy tayong binibigyan ng Panginoon ng pagkakataong magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang biyayang ito na kaloob ng Diyos sa atin. Lagi Siyang handang makinig sa mga nagtitika sa Kanya nang taos-puso. Buksan natin ang ating mga puso sa Kanyang pag-ibig at awa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento