24 Disyembre 2021
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikasiyam na Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79
"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ang mga salitang ito sa Salmo para sa araw na ito ay isinagawa ni Zacarias sa Ebanghelyo. Matapos ang siyam na buwan ng pananatiling pipi at bingi, ginamit ni Zacarias ang kanyang tinig upang mag-alay ng papuri at pasasalamat sa Diyos. Nang matapos ang sumpa sa kanya, nagpuri siya sa Diyos gamit ang kanyang tinig. Hindi siya nag-aksaya ng panahon sa pagpupuri sa Diyos na tumupad sa Kanyang pangako. Nagpatotoo siya tungkol sa kabutihan ng Diyos gamit ang kanyang tinig na bumalik matapos ang sumpang tumagal ng siyam na buwan.
Sa pinakahuling araw ng tradisyunal na Simbang Gabi na siya ring pinakahuling araw sa panahon ng Adbiyento, muling ipinapapaalala sa atin na ang katapatan ng Diyos ay tunay at hindi isang kathang-isip lamang. Oo, taun-taon nating naririnig ang Ebanghelyong ito sa tuwing sasapit ang pinakahuling araw ng panahon ng Adbiyento. Subalit, mahalaga para sa atin na huwag kalimutan ang pagiging matapat ng Diyos. Ang katotohanang ito ay hindi natin dapat limutin kailanman. Dahil diyan, sabi ng mang-aawit ng Salmo na ang walang katapusang pag-ibig ng Diyos ay lagi niyang sasambitin.
Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako kay Haring David sa Unang Pagbasa. Agad siyang pinalitan ng kanyang anak na si Solomon noong mamamatay na siya. Kalaunan nagmula sa kanyang lipi ang tunay na Haring walang hanggan na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, nahayag ang pag-ibig at katapatan ng Panginoong Diyos sa Kanyang pangako. Ito ang agad na pinatotohanan ni Zacarias sa kanyang kantikulo sa Ebanghelyo.
Hindi tumigil sa pagpapatotoo at pagbibigay ng papuri sa Diyos sina Zacarias at ang mang-aawit sa Salmo. Inaaanyayahan tayo sa araw na ito na sama-samang magbigay ng papuri at pasasalamat sa Diyos dahil sa Kanyang katapatan, kabutihan, at pag-ibig na walang maliw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento