Miyerkules, Disyembre 22, 2021

HUWAG MAGBULAG-BULAGAN AT MAGBINGI-BINGIHAN

28 Disyembre 2021 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18 


Isang nakakalungkot na kaganapan ang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Kung tutuusin, inaaalala ng Simbahan sa araw na ito ang nakakalungkot na eksenang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang kaganapang ito ay nagdulot ng panaghoy at hapis. Ang utos ni Haring Herodes na paslangin ang mga sanggol na lalaking may gulang na dalawang taong pababa ay ang dahilan ng hapis at panaghoy sa paligid sa araw na yaon. 

Subalit, sa kasalukuyang panahon, tila nagbago na ang reaksyon ng marami sa lipunan sa mga patayan, lalung-lalo na kung ang ilan sa mga pinatay ay wala namang ginawang sala sa batas. Kung mayroon mang inosenteng namatay, mamaliitin na lamang iyon at hahanapan pa ng dahilan kung bakit nga ba sila pinatay. Maaari ring nilang sabihing ang nangyari ay isa lamang kaso ng collateral damage. Tila marami na sa lipunan ang nagiging manhid sa harap ng mga walang hustisyang pagpaslang sa mga inosente. Tila nagbubulag-bulagan at wala pa ngang pakialam sa nangyayari.

Ang masaklap pa dito, mayroon pa ngang mga pinuno sa pamahalaan na sumusuporta sa gawaing ito. Katunayan, hindi lamang nila kinukunsinti ang gawaing ito kundi hinihimok pa nila ang pagpapatuloy nito. Sa kabila nito, ang mga pinunong ito ay sinusuportahan pa rin ng marami sa lipunan. Pinapalakpakan pa nga sila ng marami. Pinili nilang magbulag-bulagan sa katotohanan. Tila, hindi na sila nakukunsensya. Bakit? 

Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na ang Diyos ay ilaw (1, 5). Dagdag pa niya, namumuhay sa kadiliman ang mga nagsisinungaling tungkol sa kanilang huwag o pekeng pagpanig sa Diyos (1, 6). Paano nagiging peke ang pagpanig sa Diyos? Kung magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan tayo sa katotohanan tungkol sa kawalan ng hustisya. Ang mga walang pakialam sa paglaganap ng kawalan ng katarungan. Tapos, sasabihin pa nilang ang Diyos ay kanilang pinapanigan. Isa iyang napakalaking kasinungalingan. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na ang mga tunay na nasa panig ng Panginoong Diyos ay hindi nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa harap ng kawalan ng katarungan, lalo na sa harap ng mga inosenteng inaabuso at pinapatay. Kung tunay tayong nasa panig ng Diyos, titindig tayo at gagamitin natin ang ating mga boses at gawain upang ipaglaban ang katotohanan at liwanag ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento