17 Disyembre 2021
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalawang Araw
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
Simula sa araw na ito, ika-17 ng Disyembre, ang mga tampok na salaysay sa Ebanghelyo sa mga Misa ay tungkol sa mga kaganapang kaugnay ng salaysay ng Pagsilang ng Panginoong Hesus. Habang papalapit nang palapit ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus na ipagdiriwang sa ika-25 ng Disyembre, marapat lamang na pagnilayan ang mga kaganapang nangyari bago Siya ipanganak ng Mahal na Inang si Maria sa isang sabsaban sa bayan ng Betlehem. Pagninilayan ng Simbahan ang mga kaganapang ito mula ngayon hanggang sa pinakahuling araw ng panahon ng Adbiyento, ang ika-24 ng Disyembre.
Katunayan, maituturing na isang buod ng mga kaganapang nangyari bago isilang si Hesus ang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang talaan ng angkang kinabilangan ni Hesus ay inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ito rin ang binigyan ng pansin ni Jacob sa kanyang pahayag sa kanyang mga anak sa Unang Pagbasa. Magmmula sa lahi ni Juda ang tunay na Hari (Genesis 49, 10). Ang tunay na Hari na walang iba kundi si Kristo Hesus ay nagmula sa lipi ni Haring David at lahi ni Abraham. Sina Abraham, Isaac, Jacob, at Haring David ay ilan lamang sa mga naging ninuno ng Panginoong Hesus.
Ano naman ang aral na nais ituro sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito? Ang Diyos ay naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Tiyak na hindi na mabilang kung ilang ulit natin itong narinig. Subalit, mahalagang matutunan natin uli ang aral na ito, lalung-lalo na't papalapit na ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang. Ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagsilang ay walang iba kundi ang pasiya ng Diyos na dumating sa sanlibutan bilang Panginoon at Tagapagligtas ng tanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo.
Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang nang buong galak ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Ang dahilan ay walang iba kundi si Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo, dumating ang Diyos sa daigdig na ito upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang dapat nating tandaan habang papalapit nang palapit ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento