Martes, Disyembre 7, 2021

ANG TINIG NA NAGHAHATID NG TUWA

21 Disyembre 2021
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaanim na Araw
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 


Isang mahalagang detalye sa salaysay ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na kilala rin bilang si Santa Isabel ang paglukso ng sanggol na si San Juan Bautista sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina. Ang tinig ng pagbati ng Mahal na Birhen ay narinig ni Elisabet at ng kanyang anak na si San Juan Bautista na noo'y isa pa lamang sanggol sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina. Ang tinig ng ating Mahal na Birhen ay nagdulot ng tuwa sa sanggol na si San Juan Bautista. Iyan ang dahilan kung bakit gumalaw sa tuwa sa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet ang sanggol na hinirang ng Diyos upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. 

Ang mga Pagbasa para sa Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi ay nakatuon sa koneksyon ng tinig at tuwa. May ugnayan ang tinig at ang tuwa. May mga tinig na naghahatid ng uwa sa bawat isa sa atin. Mayroon pa ngang mga pagkakataon kung saan abot tainga ang ating mga ngiti sa tuwing naririnig natin ang tinig na nagpapasaya sa atin. Ang kaganapang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay isang halimbawa nito. Bagamat isa pa lamang musmos sa sinapupunan ng kanyang ina sa mga sandaling iyon, labis na natuwa si San Juan Bautista pagkarinig niya sa tinig ng pagbati ng Mahal na Ina. Labis siyang natuwa dahil ang presensya ni Hesus ay kanyang naramdaman. 

Sa isa sa dalawang Pagbasang maaaring gamitin bilang Unang Pagbasa para sa araw na ito, isang bahagi ng aklat ng Awit ni Solomon, ginamit ang larawan ng pagmamahalan ng mga mag-asawa sa isa't isa upang ilarawan ang ugnayan ng tinig at tuwa. Ang mga mag-asawa o kaya naman ang mga nagkakaibigan ay labis na natutuwa sa tuwing maririnig nila ang tinig ng kanilang mga asawa o kinagigiliwan. Ang tuwang ito ay ipinakita ng sanggol na si San Juan Bautista nang maramdaman niyang nasa piling na niya si Kristo. 

Mayroong panawagan si propeta Sofonias sa isa sa dalawang Pagbasang maaaring gamitin bilang Unang Pagbasa para sa araw na ito. Ang kanyang panawagan para sa bayang Israel ay umawit nang malakas atlubusang magalak (Sofonias 3, 14). Ito rin ang paanyaya sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Matuwa dahil tunay tayong minamahal ni Hesus. Matuwa dahil ang Kanyang pangako ay malapit na Niyang tuparin. 

Tayong lahat ay tinatanong ng Simbahan sa araw na ito - napupuno ba ng tuwa ang ating mga puso kapag naririnig natin ang tinig ng Panginoong Hesus? Ang tinig at presensya ni Kristo ay naghahatid ng tuwa sa lahat. Tulad ng sanggol na si San Juan Bautista na lumukso sa tuwa dahil sa tinig ni Maria na dala-dala si Hesus sa kanyang sinapupunan, mapuspos nawa ng tuwa ang ating mga puso at isipan. Kilalanin nawa natin ang tinig ng Panginoong Hesukristo bilang tinig at presensyang naghahatid ng tuwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento