19 Disyembre 2021
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaapat na Araw
Mikas 5, 1-4a/Salmo 79/Hebreo 10, 5-10/Lucas 1, 39-45
"Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw ang sanggol sa aking tiyan" (Lucas 1, 43-44). Ito ang mga salita ni Elisabet nang makasalubong niya ang Mahal na Birheng Maria na kanyang kamag-anak. Alam ni Elisabet na dinadala ng kanyang kamag-anak na si Maria ang ipinangakong Manunubos sa kanyang sinapupunan. Napagtanto ni Elisabet na iyon ang dahilan kung bakit gumalaw sa tuwa sa kanyang sinapupunan ang sanggol na si San Juan Bautista. Ang sanggol na si San Juan Bautista ay labis na natuwa nang marinig niya ang pagbati ni Maria kay Elisabet nang dumating siya mula sa Nazaret patungo sa bahay ng kanyang kamag-anak.
Ang dahilan kung bakit ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa sa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet sa Ebanghelyo ay inilarawan rin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na magmumula sa bayan ng Betlehem ang isang haring isisilang ng babae (Mikas 5, 3). Sa Ikalawang Pagbasa, ipinakilala kung sino ang Sanggol na ito - si Hesus. Si Hesus na dumating sa mundong ito upang tupdin ang kalooban ng Ama. Ang ipinangakong Haring ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan ay walang iba kundi si Hesus, ang Sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan.
Kaunting araw na lamang ang natitira bago sumapit ang Pasko ng Pagsilang ni Hesus. Ang tanong para sa atin sa araw na ito - nagagalak ba tayo sa Kanyang pagdating katulad ni San Juan Bautista? Pinananabikan ba talaga natin ang pagdating ng Panginoong Hesus?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento