27 Nobyembre 2021
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36
Tuwing papasok ang Simbahan sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring Adbiyento sa simula ng isang panibagong Liturhikal na Taon, ang temang laging binibigyan ng pansin ay ang pagdating ni Kristo. Kaunayan, hindi lamang nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Unang Pagdating ni Kristo Hesus bilang Panginoon at Manunubos sa panahong ito. Pinagtutuunan rin ng pansin ang Ikalawang Pagdating ni Kristo bilang Hukom sa wakas ng panahon. Dahil diyan, binibigyan ng pansin ang halaga ng paghihintay at paghahanda sa panahong ito.
Laging sinisimulan ng Simbahan ang isang bagong Taong Liturhiko sa pamamagitan ng pagpasok sa panahon ng Adbiyento. Lagi ring binibigyan ng pansin sa panahong ito ang halaga ng pananabik at paghahanda ng sarili. Lagi ring binibigyan ng pansin sa panahong ito ang Una at Ikalawang Pagdating ng Panginoon. Tiyak na marami ang mapapatanong kung bakit tila paulit-ulit na lamang ang ginagawa ng Simbahan kada taon. Wala na bang bago? Paulit-ulit? Na naman?
Bakit tila paulit-ulit ang ginagawa ng Simbahan taun-taon, lalung-lalo na sa simula ng isang panibagong Taong Liturhiko? Dahil isa itong siklo. Kaya nga, ang larawan o hugis na madalas gamitin upang ilarawan ang isang siklo ay isang bilog. Katunayan, ginagamit rin ang larawang ito upag ipaliwanag ang Kalendaryo sa Simbahan. Kung titingnan natin nang mabuti ang larawan ng isang bilog, mapapansin nating walang dulo ang nasabing hugis. Ganyan rin ang Kalendaryo ng Simbahan. Nagbabago man ang taon, hindi nagbabago ang mga panahong ipinagdiriwang ng Simbahan sa Taong Liturhikal. Sa bawat panahong ipinagdiriwang ng Simbahan sa Taong Liturhikal, may mga aral na laging binibigyan ng pansin upang hindi natin makalimutan.
Ang halaga ng paghihintay at paghahanda ng sarili ay laging binibigyan ng pansin sa pagpasok ng Simbahan sa panahon ng Adbiyento taun-taon. Isa lamang ang dahilan kung bakit lagi itong ginagawa ng Simbahan taun-taon sa pagpasok sa isang bagong Liturhikal na Taon - paalalahanan tayo tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Ang butihing Panginoon ay darating upang iligtas ang lahat ng mga tapat na nananalig at sumusunod sa Kanya. Gaya nga ng sabi sa Salmo para sa Linggong ito, "Sa 'Yo ako'y tumatawag, Poong D'yos na nagliligtas" (Salmo 24, 1). Iyan ang dahilan ng pagdating ng Panginoon. Darating Siya upang magligtas.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa mga apostol na darating Siya muli. Tulad ito ng pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa. Ang pangakong ito na nahayag sa Unang Pagbasa ay natupad sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Hesus, ang Diyos na tumupad sa Kanyang pangako sa Unang Pagbasa, ay nagsalita tungkol sa Kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon bilang Hukom. Ito ang dahilan kung bakit Niya nasabing dapat maging handa sa lahat ng oras ang Kanyang mga alagad at ang lahat ng mga sumusunod sa Kanya nang buong katapatan. Ito ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Kaya nga, nagbigay ng mga payo si Apostol San Pablo tungkol sa paghahanda ng sarili habang hinihintay ang muling pagdating ni Hesus.
Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan tungkol sa pagdating ng Panginoon. Hindi titigil ang Simbahan sa pagpapaalala sa atin tungkol sa katotohanang ito. Habang ang siklo ng buhay ay patuloy na umiikot, lagi tayong paaalalahanan ng Simbahan na darating si Kristo. Darating si Kristo upang iligtas ang mga tapat sa Kanya. Katulad noong una Siyang dumating, muli Siyang darating hatid ang kaloob Niyang kaligtasan para sa lahat ng mga tapat sa Kanya hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento