14 Nobyembre 2021
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14. 18/Marcos 13, 24-32
Bahagi ng ating pananampalataya bilang Simbahan ay ang katotohanan tungkol sa ikalawang pagdating ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon. Iyan ang ating sinasampalatayanan bilang mga Katoliko. Si Hesus ay babalik muli sa wakas ng panahon upang maging hukom ng nangabubuhay at nangamatay na tao. Hindi natin alam kung kailan babalik ang Panginoong Hesus, subalit hindi iyon hadlang o dahilan upang hindi paniwalaan ito. Talagang babalik Siya.
Kung tutuusin, ang muling pagbalik ng Panginoong Hesukristo bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao ay dalawang beses na binibigyan ng pansin ng Simbahan sa buong taon. Ang unang pagkakataon ay sa simula ng taon sa panahon ng Adbiyento at ang pangalawang pagkakataon naman ay sa wakas ng taon. Sa simula at wakas ng Liturhikal na Taon, binibigyan ng pansin ng Simbahan ang maluwalhating pagbabalik ng Panginoong Hesukristo bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon.
Mismong si Hesus ang nagsabi sa wakas ng Ebanghelyo tungkol sa Kanyang pagbabalik bilang Dakilang Hukom ng nangabubuhay at nangamatay na tao sa wakas ng panahon: "[W]alang nakaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man - ang Ama lamang ang nakakaalam nito" (Marcos 13, 32). Tanging ang Ama lamang ang nakakaalam kung kailan si Hesus ay babalik bilang Hukom. Ang mga inilarawan ng Mesiyas sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay magaganap sa wakas ng panahon na tanging ang Diyos Ama lamang ang nakakaalam.
Ang mga kaganapang inilarawan sa Unang Pagbasa ay mayroong malalim na ugnayan sa mga kaganapang inilarawan ni Kristo sa Ebanghelyo. Katunayan, iisa lamang ang inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo - ang wakas ng panahon. Sabi sa pahayag tungkol sa mga kaganapan sa wakas ng panahon sa Unang Pagbasa: "Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang [iba naman ay] sa kaparusahang walang hanggan" (Daniel 12, 2).
Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang ginawa ni Kristo noong una Siyang dumating sa mundo. Inihandog Niya ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ang muli Niyang gagawin bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon. Tutubusin Niya ang mga naging tapat sa Kanya. Ang mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya ay ililigtas Niya mula sa walang hanggang kapahamakan sa mga apoy ng impyerno.
Ipinapaalala sa atin ngayong Linggo na mayroong katapusan ang panahon. May hangganan ang buhay sa mundong ito. May katapusan rin ang mundong ito. Sa mundong ito, hindi matatagpuan ang walang hanggan. Mayroong hangganan ang lahat dito sa mundo. Katunayan, magugunaw ang mundo balang araw. Isa lamang ang walang hanggan - ang Diyos sa langit. Kung nais natin Siyang makapiling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman, maging tapat tayo sa Kanya ngayon pa lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento