9 Nobyembre 2021
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Sabi ni Hesus sa mga Hudyo matapos Niyang linisin ang templo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagtalaga sa isa sa mga Basilika o Palasyong Simbahan sa mundo. Kaya, tiyak na mapapataas ang kilay ng marami at magugulat kung bakit ang bahaging ito ng Banal na Kasulatan ang gagamitin bilang Ebanghelyo para sa Banal na Misa sa araw na ito.
Kung tutuusin, hindi naman tumigil si Hesus sa pagsasalita tungkol sa paggiba sa isang templo. Katunayan, sabi pa sa Ebanghelyo na hindi tinutukoy ni Hesus ang literal na templo na itinayo sa loob ng 46 na taon. Bagkus, ang tinutukoy ni Hesus nang sabihin Niya ang mga salitang ito ay ang sarili Niyang katawang inalay Niya para sa sangkatauhan. Itinatag ni Hesus ang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Sabi naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay ang templo ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Apostol San Pablo na hindi mga gusali lamang ang Simbahan. Bagkus, ang tunay na Simbahan na itinatag ng Panginoon ay binubuo ng mga nanananalig at sumasampalataya sa Kanya. Kung gusali lamang ito, matagal nang gumuho at naglaho iyon. Iyan ang dahilan kung bakit si Kristo ay hindi nagtayo ng isang gusali noong itinatag Niya ang Kanyang Simbahan.
Kung gayon, bakit may mga gusaling Simbahan? Ang mga gusaling Simbahan ay itinayo at itinalaga upang maging sagisag ng mangyayari sa katapusan ng panahon. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ni Kristo ay muling magkakatipon sa Kanyang harapan upang magpuri at sumamba sa Kanya nang walang humpay. Habang nabubuhay pa tayo sa lupa, malalaman na natin agad sa pamamagitan ng mga gusaling Simbahan kung ano nga ba talaga ang dapat nating paghandaan.
Tayong lahat ang bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Ang mga gusaling Simbahan tulad ng Basilika ng Laterano ay isang paalala sa bawat isa sa atin ng dapat nating paghandaan sa wakas ng panahon. Kaya naman, dapat nating tahakin ang landas ng kabanalan upang mapanatili ang pagkadalisay ng ating mga katawan na siyang templo ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento