24 Abril 2022
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
"Linggo ng Mabathalang Awa"
Mga Gawa 5, 12-16/Salmo 117/Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19/Juan 20, 19-31
Close-Up of the Original Image of the Divine Mercy (26 April 1935 - Eugeniusz Kazimirowski), Public Domain
Buhay ang Panginoon! Nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesus! Aleluya! Patuloy na tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang kagalakang kaloob ni Kristo Hesus na Muling Nabuhay. Ang dalamhati at hapis ay Kanyang pinalitan ng ngiti at galak sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, hindi nagtapos ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay noong nakaraang Linggo. Patuloy pa ring nagdiriwang ang Simbahan hanggang sa Linggo ng Pentekostes. Katunayan, lingid sa kaalaman ng marami, ang Linggong ito ay ang Ikawalong Araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, bukod sa pagiging Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay at Linggo ng Banal na Awa.
Inilahad ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ang isang pangitaing tinanggap niya mula sa Diyos habang siya'y nasa Patmos. Sa nasabing pangitain, nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na nagsabing namatay Siya ngunit buhay na Siya at mananatiling Siyang buhay magpakailanman (Pahayag 1, 18). Iyan ang misteryong ikinagagalak ng Simbahan. Si Hesus ay namatay sa Krus, ngunit muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw, at hindi na Siya mamamatay kailanman. Iyan ang pinakamahalagang misteryo. Dahil sa misteryo ng pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagabuhay ni Hesus, nagkaroon ng saysay ang ating pananampalataya.
Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay na totoo ang nasasaad sa Salmo para sa Linggong ito: "Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi magmamaliw" (Salmo 117, 1). Isang Panginoon at Manunubos ay ibinigay sa atin ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig at awa - ang Kanyang Bugtong na Anak na walang iba kundi si Hesus. Iyan din ang dahilan kung bakit nagpakita si Hesus kay Apostol Santo Tomas sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Kanyang dalawang pagpapakita sa mga apostol, lalung-lalo na kay Apostol Santo Tomas, pinatunayan ni Hesus na hindi kukupas ang pag-ibig at awa ng Diyos. Bagkus, mananatili ito magpakailanman. Ang pag-ibig na ito ang umaakit sa mga makasalanan na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Ang pag-ibig na ito, na nahayag sa pamamagitan ng mga milagrong ginawa ng mga apostol sa Kanyang Pangalan, ang umakit sa mga tao na manalig sa Kanya. Iyan ang pag-ibig at awa ng Diyos.
Mayroong saysay ang ating pananalig at pananampalataya dahil si Hesus ay nabuhay na mag-uli. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nagkaroon ng saysay ang ating pananalig sa Diyos na laging nagbibigay ng pagkakataong magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan. Ang Diyos na lubos nating pinananaligan bilang mga bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo ay laging handang magpakita ng Kanyang habag at awa sa mga makasalanang hihingi nito sa Kanya.
Kaya naman, buong pananalig natin sambitin ang mga salitang nakasulat sa ibabaw ng larawan ng Mabathalang Awa: "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!" Manalig tayo sa habag at awa ng Panginoon. Hindi Niya ito ipagdadamot sa atin. Hindi Niya isasara ang pintuan ng Kanyang awa. Ang pintuang ito ay laging bukas para sa atin habang patuloy tayong nabubuhay at naglalakbay dito sa mundo. Ang pagpasok at pagdaan sa pintuang ito ay tanda ng taos-pusong pananalig sa habag at awa ng Panginoon.
Nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Nagtagumpay ang Kanyang habag at awa sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Pumasok tayo sa pintuan ng Kanyang habag at awa bilang tanda ng ating buong pusong pananalig sa Kanya bilang maawain at mahabaging Panginoon at Manunubos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento