Biyernes, Abril 1, 2022

NILIKHANG AYON SA LARAWAN NG DIYOS

15 Abril 2022 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 

Juan de Valdes Leal, Cristo camino del Calvario (c. 1661), Public Domain

"君の姿は僕に似ている" (English: You look like me). Ang mga salitang ito ay ang unang titik ng awiting ginamit bilang pang-apat na pangwakas na awitin ng anime na pinamagatang Gundam Seed Destiny. Inilarawan sa titik na ito ang pagiging kahawig ng isang tao sa iba. Katunayan, sa nasabing anime, magkahawig sina Lacus Clyne at Meer Campbell. May ilan sa mga nanood nito na nagsabing may konting pagkahawig kay Kira Yamato si Shinn Asuka. Maaaring sabihing ang pagkakaroon ng pagkahawig sa ilang mga karakter nito ay isang mahalagang aspeto ng kuwento ng anime na ito. 

Bagamat puno ng hapis ang unang Biyernes Santo, isa itong araw ng tagumpay. Sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesukristo hanggang sa tuluyan Siyang mamatay sa krus, hindi Siya nabigo. Ang pagkamatay ni Hesus sa isang kahoy na krus noong unang Biyernes Santo ay hindi isang sandali ng kabiguan o pagkatalo. Bagkus, nang malagutan Siya ng hininga sa krus, nakamit ni Hesus ang tagumpay. Ang krus ni Hesus ay tanda ng tagumpay. 

Ang tagumpay na nakamit ni Hesus sa krus ay hindi lamang para sa Kanyang sarili lamang. Bagkus, ito ay para rin sa sangkatauhan. Sabi sa propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa misteryosong lingkod ng Diyos na tayo mismo ang dahilan kung bakit Siya nasugatan, binugbog, pinatay, at inilibing kasama ang mga masasama kahit na wala Siyang ginawang kasalanan (53, 4-6. 8-9). Tinupad ni Hesus ang propesiyang ito na inihayag ni Propeta Isaias sa bayan ng Diyos sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagtupad sa propesiyang ito, nakamit ni Hesus ang tagumpay para sa lahat ng tao sa buong mundo. Napakalinaw naman ang sinabi ni Propeta Isaias - tayo ang dahilan. 

Muling binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa ang katuparan ng propesiya tungkol sa lingkod ng Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Bilang tapat na lingkod ng Diyos, buong kababaang-loob na sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. Buong kababaang-loob Niyang tinanggap ang Kanyang misyon bilang pinakadakilang pari na mag-aalay ng sarili para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Sinunod ni Hesus ang dakilang plano ng Diyos na binuo dahil sa pag-ibig. Niloob ng Banal na Santatlo na ang Anak na si Hesus ay magtitiis ng maraming hirap at sakit hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, ang dakilang tagumpay ng Diyos ay makakamit. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Marami Siyang tiniis na hirap, sakit, at pagdurusa mula noong dinakip Siya sa halamanan hanggang sa malagutan Siya ng hininga sa krus. Subalit, bago Siya tuluyang mamatay sa krus, nabigkas Niya ang mga salitang ito: "Naganap na!" (Juan 19, 30). Bagamat ito ang ikaanim na wikang binigkas ni Hesus bago Siya mamatay sa krus sa tradisyunal na Pitong Huling Wika, ito ang mga huling salitang Kanyang binigkas bago mamatay sa krus sa salaysay ng Kanyang pagpapakasakit sa Ebanghelyo ni San Juan. Inihayag ni Hesus sa mga salitang ito na Kanyang binigkas bago mamatay sa krus ang tagumpay na nakamit Niya hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, muling inihayag ni Hesus na nilikha ang tao ayon sa larawan ng Diyos. Kaya naman, ang tagumpay na nakamtan ng Panginoon sa Kalbaryo ay hindi lamang para sa Banal na Santatlo kundi para sa lahat ng tao. 

Hindi lamang para sa Banal na Santatlo ang tagumpay ni Hesus sa krus. Bagkus, ang tagumpay na ito ay para sa lahat. Isa lamang ang dahilan nito - pag-ibig. Pag-ibig para sa sangkatauhang binigyan ng Diyos ng karangalang malikha ayon sa Kanyang wangis. Kaya naman, ang paghahain ni Hesus sa krus ay isang paalala para sa atin na nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Kung paanong ang bawat isa sa atin ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang larawan, iniligtas rin Niya tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang tagumpay ni Hesus sa krus ay tagumpay rin natin. 

Jacob Jordaens, Crucifixion of Christ (c. Between 1617-1620), Public Domain

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento