1 Mayo 2022
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41/Salmo 29/Pahayag 5, 11-14/Juan 21, 1-19 (o kaya: 21, 1-14)
Lucas Gassel (c. 1500-1568/1569), Christ with the Disciples and the Sea of Galilee, Public Domain
Sa Unang Pagbasa, ang mga apostol ay napuspos ng galak dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ng pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Sa gitna ng pag-uusig at panganib, hindi sila pinabayaan ng kanilang pinatotohanan. Ang Panginoong kanilang pinatotohanan ay lagi nilang kasama. Nabigo ang Sanedrin sa kanilang balak sa mga apostol. Ang Sanedrin ay hindi makahanap ng kasong maaari nilang isakdal laban sa mga apostol. Sabi nga sa wakas ng Unang Pagbasa na hindi rin nila mapagbawalan ang mga apostol na sumaksi sa Muling Nabuhay na si Kristo Hesus. Sabi nina Apostol San Pedro at ng iba pang mga apostol na sinasamahan at tinutulungan sila ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon (Mga Gawa 5, 32). Ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Ama at ng Anak sa mga apostol upang maging kanilang Patnubay at Kasama sa kanilang misyon ay hindi nagpapabaya. Ang Espiritu Santo ay lagi nilang kasama. Dahil palagi nilang kasama ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinagkaloob sa kanila ng Ama at ng Anak, lagi silang nagagalak. Isa lamang ang dahilan kung bakit: ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo - ang Patnubay at Gabay - ay nagsisilbing paalala ng dakilang pangako ng Panginoong Hesus na hindi Niya sila pababayaan.
Pinatunayan ng mga apostol sa Unang Pagbasa na mayroong kagalakan sa pagiging saksi ng pag-ibig at awa ni Hesus na Muling Nabuhay. Sa gitna ng mga pag-uusig, mararamdaman ang presensya ng Panginoong Hesus sa tulong ng Espiritu Santo na hindi nagpapabaya. Pinalalakas ng Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo ang lahat ng mga nananalig kay Kristo sa mga panahon ng pag-uusig. Dahil dito, ang mga saksi ng pag-ibig at awa ng Muling Nabuhay na si Hesus ay laging nagagalak sa gitna ng pag-uusig. Nararamdaman nila ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa tulong ng Espiritu Santo na laging tumutulong at gumagabay sa kanila.
Ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay inilarawan ng awit ng mga anghel sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga anghel ay umawit tungkol sa pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na namalas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang nasaksihan ni Apostol San Juan sa kanyang pangitain na kanya namang inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Nakita't narinig niya ang koro ng mga anghel na buong galak na umaawit tungkol sa pag-ibig at habag ni Hesus. Matapos makita't marinig ang lahat ng iyon sa nasabing pangitain, inilahad niya ang mga ito sa nasabing bahagi ng aklat ng Pahayag. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Apostol San Juan ang dahilan kung bakit ang mga anghel ay umaawit nang buong galak sa kanyang pangitain - ang pag-ibig at awa ni Hesus.
Naranasan ng mga apostol, lalung-lalo na si Apostol San Pedro, ang habag at pag-ibig ni Hesus na Muling Nabuhay na nagdudulot ng galak sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, naranasan nila kung paano muli silang tinulungan ng Muling Nabuhay na si Kristo Hesus sa kanilang pangingisda sa Lawa ng Tiberias. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, naranasan ni Apostol San Pedro ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na humihilom sa hirap at sakit dulot ng kanyang tatlong ulit na pagtatwa sa Panginoon bago Siya mamatay sa krus. Dahil dito, ang mga apostol ay patuloy na nagpatotoo tungkol sa pag-ibig at awa ni Hesus sa bawat sandali ng kanilang misyon.
Mayroong galak sa pagiging saksi ng pag-ibig at awa ni Hesus. Kapag sumaksi tayo sa Kanyang pag-ibig at awa, ipinapalaganap natin ang Kanyang pag-ibig at awa sa lahat ng dako. Hindi rin tayo pababayaan ng Panginoon sa ating pagsaksi sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento