8 Mayo 2022
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
"Linggo ng Mabuting Pastol"
Mga Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30
Jean Baptiste de Champaigne, Good Shepherd (c. 17th century), Public Domain
Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Juan na kukupkupin at kakalingain ng mismong Kordero ng Diyos ang mga Kristiyanong nagpasiyang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli (7, 14b-15. 17). Ang misteryong ito na pinagninilayan nang buong kataimtiman sa araw na ito ay tunay ngang kahanga-hanga. Isang maamo't payak na Kordero ang magpapastol sa kawan ng Diyos. Ang magpapastol sa kawan ng Diyos ay hindi kamay na bakal o pasikat. Bagkus, ang magpapastol sa kawan ng Diyos ay walang iba kundi ang mababang-loob at maamong Kordero na si Hesus na taga-Nazaret. Bilang Mabuting Pastol, ang Nazarenong Muling Nabuhay na si Hesus ay laging kumikilos para sa ikabubuti ng Kanyang kawan.
Mismong si Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo na pinagkakalooban Niya ng buhay na walang hanggan ang Kanyang mga tupang nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya (Juan 10, 28). Iyan ang pag-ibig at habag ni Hesus para sa Kanyang kawan. Pagkakalooban Niya ng buhay na walang hanggan ang Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya dahil nananalig silang hindi sila mapapahamak ng Mabuting Pastol na si Hesus. Kapag napapakinggan nila ang tinig ng Kordero na Siya ring tunay na Mabuting Pastol, ang kanilang kalooban ay tunay ngang pumapanatag dahil pawang kabutihan nila ang lagi Niyang isinasaisip.
Napuspos ng galak ang mga Hentil sa Unang Pagbasa nang ang Banal na Ebanghelyo ay ipangaral sa kanila nina Apostol San Pablo at San Bernabe. Ang Ebanghelyo na ipinangaral ng dalawang apostol na ito ay agad nilang pinakinggan at tinanggap nang buong puso. Tinanggap nila si Hesus, ang Kordero na Siya ring Mabuting Pastol, na pinatotohanan nina Apostol San Pablo at San Bernabe nang buong sigasig. Kahit na mayroong mga Hudyong naghangad na patahimikin ang dalawang apostol, hindi sila tumigil sa pagsaksi sa Korderong Mabuting Pastol na si Kristong Muling Nabuhay.
Iminumulat tayo ng Simbahan sa isang kahanga-hangang misteryo sa Linggong ito: ang misteryo ng Kordero ng Diyos na Mabuting Pastol. Isang kordero, ang Kordero ng Diyos, ang magpapastol sa tunay na Simbahan. Bilang tunay na Mabuting Pastol, kukupkupin at kakalingain ng Kordero ang Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay hindi magkukulang sa kaliga. Lagi Niya silang aarugain. Ang Mabuting Pastol na Siya ring Kordero ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Muling Nabuhay. Tunay Niyang iniibig at kinakalinga ang Kanyang kawan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento