17 Abril 2022
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9
David Teniers the Younger, Auferstehung Christi (c. 1610-1690), Public Domain
Ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay isang araw ng kagalakan. Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong kagalakan. Matapos gunitain ang hapis at dalamhati dulot ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus noong Biyernes Santo, ang Simbahan ay nagdiriwang nang buong kagalakan sa paggunita sa dakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, nakumpleto ang dakilang plano ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagbigay ng kahulugan sa Kanyang Krus. Ang Krus ay sinundan ng Muling Pagkabuhay.
Nakasentro sa misteryo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pedro ay nangaral sa Romanong si Cornelio tungkol sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang Muling Nabuhay na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos. Ang patunay nito ay ang libingang walang laman na itinampok ni San Juan sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Hindi nanatili si Hesus sa libingan matapos ang Kanyang pagkamatay sa Krus. Bagkus, nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, gaya ng Kanyang ipinangako.
Kaya naman, naaangkop ang mga salita ni Apostol San Pablo sa dalawang talatang itinatampok ng Simbahan sa Ikalawang Pagbasa para sa dakilang araw na ito. Hindi lamang kinamit ni Hesus ang tagumpay para sa Kanyang sarili. Bagkus, kinamit rin Niya ito para sa atin. Dahil ang tagumpay ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay tagumpay rin natin, dapat nating baguhin ang ating mga sarili. Sabi niya sa Unang Sulat sa mga taga-Corinto na dapat nating linisin o dalisayin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggal sa "lumang lebadura, ang kasalanan" (5, 7). Sabi pa ni Apostol San Pablo sa Sulat sa mga taga-Colosas na dapat nating isaisip "ang mga bagay na panlangit" (3, 2). Iyan ang biyaya ng bagong buhay na ipinagkakaloob ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa atin. Kasabay ng masayang pagdiriwang ng maluwalhating tagumpay ni Hesus sa Kanyang Muling Pagkabuhay, dapat nating tanggapin ang biyaya ng bagong buhay na Kanyang kaloob sa atin.
Sabi sa Salmo: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang!" (118, 24). Sa araw na ito, buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Nagagalak tayo dahil ipinagdiriwang natin ang tagumpay na kinamit ni Hesus para sa atin. Ang tagumpay ni Hesus ay tagumpay rin natin. Subalit, habang ipinagdiriwang natin nang buong galak ang dakilang tagumpay ng pag-ibig ng Diyos na tagumpay rin natin, tanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na kaloob nito sa atin.
Buong galak nating ipinagdiriwang sa araw na ito ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang pinakadakilang misteryo ng ating pananampalataya. Sa pamamagitan nito, ang tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay nahayag. Subalit, hindi lamang para sa Diyos ang tagumpay na ito kundi para rin sa atin. Kung tunay tayong nagagalak sa pagwagi ng Panginoong Hesukristo alang-alang sa atin, tanggapin nawa natin nang buong puso ang biyaya ng bagong buhay na Kanyang kaloob nang buong puso. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus ay naghahatid sa atin ng bagong simula.
MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento