Lunes, Marso 4, 2019

SAPAT NA ANG DIYOS

10 Marso 2019 
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13 


Laging itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagtukso sa Panginoong Hesus sa ilang tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma kada taon. Iisipin ng bawat tao na napakinggan na nila ang salaysay na ito noong nakaraang taon. Tila paulit-ulit na lamang ang ginagawa ng Simbahan. Para bang hindi na bago para sa mga tao ang salaysay na iyon. Para sa mga tao, isa lang naman ang nais ituro - tularan si Hesus sa pagtagumpay laban sa tukso ni Satanas. 

Subalit, kahit paulit-ulit na itinatampok ang salaysay na ito sa Ebanghelyo kada taon tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma, makakapulot ng bagong aral ang bawat isa mula rito. Kahit ilang beses na napakinggan ang salaysay na ito, may bagong aral na maaaring matututunan ang bawat isa. Madadagdagan ang (mga) aral na kanilang natutunan mula sa pakikinig sa salaysay na ito. At maaari ring matutunan muli ng bawat isa ang mga aral na kanilang natutunan noong napakinggan ito dati pero bigla nilang nakalimutan. Kaya nga ito paulit-ulit na ipinapahayag at isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataong makapulot ng bagong (mga) aral at muling matutunan ang (mga) aral na napulutan nila dati pero biglang nakalimutan. Para bang nagsisilbi itong paalala para sa ating lahat. 

Itinuturo ni Kristo sa Ebanghelyo na ang Diyos ay sapat na sa buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng Kanyang tatlong tagumpay laban sa tatlong tukso ni Satanas. Nasa Diyos na ang lahat. Sapat na ang Diyos. Siya ang bahala sa atin. Hindi magkukulang ang Diyos kailanman. Laging sasapat ang Diyos. Ang tulong at kaloob ng Diyos ay sapat na para sa bawat isa. Wala na tayong dapat ikabahala o ipag-alala kapag ang Panginoong Diyos ang bahala sa ating buhay. Kapag pinahintulutan nating masunod ang kalooban ng Diyos, matitiyak nating magiging maaayos ang lahat. Aayusin at itutuwid ng Panginoon ang lahat. 

Kapag ipinakita natin na ang Diyos ay sapat na para sa atin, ipinapahayag natin ang ating pananampalataya't pananalig sa Kanya. Iyan naman talaga ang tunay na ugali ng bawat nananalig at sumasampalataya sa Panginoon. Ang tulong ng Panginoon ay sapat na para sa mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang pinagtuunan ng pansin ni Moises noong kanyang inilahad sa bayang Israel ang mga katagang kanilang sasambitin sa pagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos sa Unang Pagbasa. Iyan din ang naging layunin ni Apostol San Pablo noong itinuro niya sa Ikalawang Pagbasa kung paanong maipapahayag ng bawat isa nang taos sa puso ang pananampalataya at pananalig nila sa Diyos. Paano nating malalaman na taos-puso ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos? Kapag inihayag natin na ang Diyos ay sapat na para sa ating lahat. 

Ang Diyos ay sapat na para sa mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Hindi sila magkukulang, lagi silang iingatan at papatnubayan ng Diyos. Lagi silang umaasa sa Diyos na hindi nagpapabaya. Iyan ang asal ng mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento